Julie Anne, Rayver ibinahagi ang karanasan matapos maipit sa giyera sa Israel: Ito ‘yung time na kailangan na nating magdasal and really have faith
MULING inalala ng Kapuso stars at magdyowang sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz ang kanilang karanasan nang maipit sila ng nagsisimulang giyera sa Israel.
Matatandaang noong October 2 nang lumipad ang dalawa kasama ang komedyanteng si Boobay sa naturang bansa para mag-perform sa Filipino event na “Luv Trip Na, Laff Trip Pa” na mangyayari sana noong October 7.
Sa kanilang guesting sa “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Biyernes, October 13 naikuwento nila na nang makarating sila sa Israel ay wala silang naramdamang indikasyon na magkakaroon ng kaguluhan.
“Wala talaga Tito Boy… Pagkalapag pa lang ng Israel, nilibot na po talaga namin agad… Sobrang excited po kami na mag-ikot, to visit different places,” kuwento ni Julie Anne.
Ngunit umaga bago ang nakatakdang event para sa Filipino community sa Israel ay nagsimula na ang pagbomba sa bansa.
Chika nina Julie Anne, “Mabilis po lahat ng pangyayari po talaga. Siyempre kung baga nagpapahinga talaga kami, talagang nagri-recharge kami para makapag-show kami sa gabi. So ginigising na lang po ako ni Sir Daryl, yung manager ko.”
Pagpapatuloy ni Rayver, “Sa akin din si Boss Vic, hindi nila alam kung papaano nila kami gigisingin, in a way na sasabihin nila sa amin na, ‘Kailangan niyo nang bumangon kasi may giyera na.”
View this post on Instagram
Dahil nga sa bilis ng mga pangyayari ay hindi na nila alam ang tunay na ganap at nagmadali na lang sila Julie Anneat nagtungo sa bomb shelter.
Ayon pa sa kanila, tanging ang social media accounts ang naging daan para malaman nila kung ano nga ba ang nangyayari sa Israel.
“Sa feed ko po kasi may mga nagtu-tweet na fans o mga supporters namin na, ‘Stay safe guys,’ ‘Sana okay lang sila.’ Na-curious kami, bakit anong nangyayari? Totoo ba ‘tong nangyayari?” kuwento ni Julie Anne.
Chika naman ni Rayver, “Tapos ‘yun na po naririnig na namin ‘yung mga rocket.”
Sa buong oras na naroon sila ay talagang mahigpit ang naging kapit nila sa Panginoon na panatilihin silang ligtas pati na rin ang iba pang mga kababayang Pilipino.
“Sa totoo lang Tito Boy, hindi pa rin nawawala sa sistema namin kung ano ang mga nangyari, because we were there,” pagbabahagi ni Julie.
Ayon pa kay Rayver, “‘Pag nandoon ka apektado ka na rin sa mga nangyayari eh, kung kumusta ba ‘yung mga kababayan natin doon, ilan ba ang mga nadamay at kung kumusta ‘yung sitwasyon ng gulo nila?”
Hindi rin nila ma-explain o maproseso kung ano ang kanilang nararamdaman habang nasa gitna ng giyera.
“Sobrang ironic nga eh kasi nasa Holy Land kami, and then at the same time this is all happening. Na-realize namin na, grabe. Hindi namin ma-explain ‘yung feeling pero ito talaga ‘yung time na kailangan na nating magdasal and really have faith,” sabi pa ni Julie Anne.
Dagdag pa ni Rayver, “Praying talaga pati sa buong Israel, na hoping ka na hanggang du’n lang ‘yon.”
Related Chika:
Julie Anne, Rayver, Boobay safe na nakauwi sa Pinas matapos abutan ng bombahan sa Israel
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.