Julia Montes sa ‘Five Breakups and a Romance’: ‘Ito ang pelikulang bumago sa akin at nagturo sa akin na mas lalong maging matapang’
MAS naging matapang at mas na-appreciate pa ni Julia Montes ang kahulugan ng tunay na pagmamahal matapos niyang gawin ang pelikulang “Five Breakups and A Romance.”
Ito ang unang pagtatambal on screen ng Kapamilya actress at ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards kaya naman ngayon pa lang ay abangers na ang kanilang mga fans na mapanood ito sa sinehan.
Sa kani-kanilang social media account ibinahagi nina Alden at Julia ang teaser ng “Five Breakups and A Romance” na mapapanood na sa darating na October.
Ang caption na isinulat ni Julia sa kanyang Instagram post, “Mga Kapamilya, Kapuso at mga Kapatid, inaanyayahan ko po kayong panoorin ang aming pelikulang #FiveBreakupsAndARomance showing this Oct 18 in all cinemas nationwide.”
Ayon kay Julia, napakarami niyang natutunan habang ginagawa ang movie nila ni Alden, hindi lang bilang aktres kundi bilang isang babae.
“Ito ang pelikulang bumago sa akin, nagturo sa akin na mas lalong maging matapang at nagparealize sa akin importansya ng pagmamahal, pagpapatawad at pagmamahal ng paulit ulit,” aniya pa.
Super thankful din siya kay Alden at sa direktor nilang si Irene Villamor, “(Alden) salamat sa pagsama sa akin sa journey na ito.
“Salamat sa pagkakaibigan, salamat at napakadali ng lahat dahil magkasama tayo sa proyektong ito.
“Direk @ayrin you are a genius. Maraming salamat sa napakagandang istorya na ibinigay mo sa amin ni Alden. Mahal na mahal kita. Suportahan po natin ang pelikulang Pilipino,” aniya pa.
Sa IG naman ni Alden, nakasulat sa kanyang video post ang caption na, “Once connected, forever entangled.”
Maririnig sa teaser video ang dialogue ng karakter ni Alden na si Lance na ipinapaliwanag ang tungkol sa “Quantum Entanglement” phenomenon kay Justine, ang character ni Julia.
“There’s this weird phenomenon scientists call ‘Quantum Entanglement.’ Once entangled, particles will always have an effect on each other.
“Kahit gaano sila kalayo sa isa’t isa, once we have that connection, we’re basically one. At kung ano man ang magbago sa’yo, magbabago din ako,” ang sabi ni Alden
Nauna rito, sinabi na ni Julia na dream come true para sa kanya ang makagawa ng isang pelikula na tulad ng “Five Breakups and a Romance.”
“Ito matatawag ko talagang dream project. Hindi ko inexpect na sa akin ipagkakatiwala yung role.
“To be with Alden also with direk Irene na hindi ko in-expect na makaka-work kasi I’m a hopeless romantic kind of girl so pag nanonood ako ng film, what if kaya pine-play ko ‘yung ganyang role?” sey pa niya.
Ang “Five Breakups and A Romance” ay mula sa Cornerstone Studios, GMA Pictures, at Myriad Corporation na pag-aari ni Alden.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.