Bwelta ni Paolo Contis sa bashers: ‘Masakit po sa amin kapag tinatawag kaming Fake Bulaga, dahil wala pong peke sa ginagawa namin’
SINAGOT ng Kapuso actor-TV host na si Paolo Contis ang mga bashers na tumatawag na “Fake Bulaga” sa noontime show nila sa GMA 7.
Kahapon, ipinagdiwang ng grupo nina Paolo, Isko Moreno, Betong Sumaya at Buboy Villar ang ika-44 anibersaryo ng “Eat Bulaga” kung saan namigay sila ng mga bonggang papremyo kabilang na ang isang house and lot.
Sa isang bahagi nga ng programa, naging emosyonal ang lahat ng hosts lalo na nang magpapalam na sila sa pagtatapos ng anniversary celebration.
Dito muling nagsalita sina Paolo at Isko tungkol sa patuloy na pamba-bash at pangnenega sa kanila ng mga loyal fans original hosts ng “Eat Bulaga” na sina Tito, Vic & Joey at ng iba pang legit Dabarkads.
View this post on Instagram
Ayon kay Paolo, sobrang nahe-hurt sila kapag tinatawag silang “Fake Bulaga”, “Mahabang panahon, kasama na natin ang Eat Bulaga. Opo. Bago po kami, naintindihan po namin yun.
“Pero kami mismo, naging bahagi po kami ng Eat Bulaga, dahil kahit nu’ng bata pa ako, naging parte ako ng Eat Bulaga. Nanonood ako ng Eat Bulaga. lahat tayo,” ani Paolo.
Sey naman ni Isko, “Naggi-guest tayo!” Sagot ni Pao, “Totoo! Naggi-guest tayo sa Eat Bulaga.”
“Ngayon, ang tanong, sino ba ang nagmamay-ari ng Eat Bulaga!? Ang tanong, sino ang may-ari? Ang sagot, lahat po tayo. Kasi sa 44 years, lahat po tayo ay naging bahagi nito.
“Hindi po maiiwasan na may mga nagsasabi na wala naman po kaming ambag, dahil bago lang naman po kami dito. Pero ang mahalaga ay lahat po ay ginagawa namin, para ipagpatuloy ang pagbibigay ng saya at tulong sa inyo.
“Hindi na po kami mahalaga. Maaari pong dumating ang araw, hindi na rin kami ang nandito, pero basta ang mahalaga ay ipagpatuloy namin ang matagal nang hangarin ng Eat Bulaga, ang magbigay ng tulong at saya.
“Yun lang naman po ang gusto namin. Hindi po yun mababago. Mahalaga rin po sa akin na sabihin na ang ginagawa po namin ay totoo.
“Marami pong nagsasabi na kami ay fake. Marami ang nagsasabing kami ay ‘Fake Bulaga!’ Wala pong peke sa pagmamahal ko sa grupong ito. Wala pong peke sa pagmamahal ko sa staff.
“Walang peke sa pagmamahal ko sa crew. Walang peke sa pagmamahal ko sa trabahong ‘to.
“Kaya masakit po sa amin kapag tinatawag niyo kaming ‘Fake Bulaga,’ dahil wala pong fake sa ginagawa namin, sa ngiti na nakikita namin sa mga tao. Wala po,” aniya pa.
View this post on Instagram
Dagdag pa ni Paolo, “Uulitin ko po. Lahat po ng tawanan, lahat po ng luha na sini-share namin sa inyo, lahat po ng tulong, totoo po lahat yan, galing sa puso. Wala pong fake diyan.
“Para po sa amin, mahigit pa po sa 1-4-3 ang Eat Bulaga dahil para sa amin ang Eat Bulaga! ay ‘All 4 U,'” mariin pang pahayag ni Paolo.
Nagbigay naman ng mensahe si Isko sa lahat na mga naapektuhan at nabiktima ng bagyong Egay, “Sana, sa mga kababayan natin sa Northern region na binabagyo at nabagyo, napangiti kayo ng Eat Bulaga ngayong araw na ito.
“Dahil talaga sa totoo lang, kayo sa studio, sa kanya-kanyang tahanan sa buong Pilipinas, sa buong mundo, talagang this is ‘All 4 U,’ thanks to you.
“Walang hanggang pasasalamat. Yan po ang gusto naming ibigay sa inyo. Humaharap kami araw-araw in our own little way, na sana lagi ninyo kaming piliin na makapananghalian. kasama sa tanghalian, katulad ng ginawa ninyo since 1979,” pagbabahagi pa ng dating mayor ng Maynila.
Samantala, iba’t iba naman ang reaksyon ng mga manonood sa bagong theme song ng “Eat Bulaga” na ni-record ng mga hosts. Hindi rin napigilan ni Paolo na maging emosyonal sa bahaging ito ng show.
“Mahalaga po ang araw na ‘to sa Eat Bulaga. Forty-four years ago, sinimulan po ng Eat Bulaga! ang pagbibigay ng saya. Lumipas man po ang panahon sa kahit anong pagkakataon.
“Maiba man po ang mga artistang humaharap sa inyo araw-araw, ang hindi po mababago ay ang hangarin ng Eat Bulaga na magbigay ng saya! Naging emotional ako, ha?” sey ng aktor na pigil na pigil ang pag-iyak.
“At magbahagi ng pag-asa. Tulong at saya, yan po ang aming bagong tugon sa panahong ito,” aniya pa.
Sey naman ni Isko, “At bago tayo magpatuloy, binabati natin at sana’y gabayan kayo ng Panginoong Diyos sa mga kababayan natin diyan sa Northern region, nag-uulan at sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa, na hinahampas ng bagyo. Mag-iingat po kayo.
“On behalf of TAPE, Inc. and our co-hosts, nakikiisa po kami sa inyo. At in our own little way, ngayong anibersaryo ng Eat Bulaga, ang selebrasyon na ‘to ay alay namin sa inyo, para mapangiti lang kayo kahit papaano.
“Mga Kapuso, nung nagsisimula kami bilang bagong hosts, ang ipinangako namin sa inyo ay kayo ang laging dahilan kung bakit kami naririto.
“Dahil sa inyo, mga mahal… sabi nga namin, it’s not always about the hosts. It’s always about the viewers.
“Kayo sa studio, kayong mga manonood sa kani-kanilang tahanan na lagi ninyo kami isinasama sa inyong tanghalian, napakaraming salamat po sa inyong lahat,” ani Yorme.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.