Anak daw ni Richie D’Horsey minura si Darryl Yap, magdedemanda?
NAGPUPUYOS sa galit ang nagpakilalang anak ng yumaong comedian na si Richie D’Horsie pagsasapelikula ng life story ni Pepsi Paloma.
Sa isang Facebook post, minura ng isang Alexis John Reyes, na isa sa mga anak daw ni Richie (Ricardo Reyes sa tunay na buhay), si Direk Darryl dahil sa ginagawa nitong biopic ng pumanaw na “Softdrinks Beauty” noong dekada 80 na si Pepsi.
Kalat na kalat na ngayon ang screenshot ng umano’y Facebook post ni Alexis John Romero kung saan inalmahan nga nito ang upcoming movie na “The Rapists of Pepsi Paloma“.
Kasali sa pelikula ang karakter ng pumanaw na tatay ni Alexis na gagampanan ng theater actor na si Andres Balano, Jr.. Ni-repost ni Alexis sa FB ang screenshot ng pagpapakilala ni Direk Darryl kay Andres bilang si Richie.
Baka Bet Mo: Darryl Yap: Ang The Rapists of Pepsi Paloma ay hindi para sa eleksyon
Mababasa sa caption ni Alexis, “(Nagmura). Patay na tatay ko nanahimik na. ano yan gagawan mo ng pilikula tatay ko wala kang permisyo saming pamilya ah (mura uli) tigilan nyo tatay ko.”
Kasunod nito, makikita naman sa Instagram story ni Alexis ang litrato ng isang law firm na kanyang pinuntahan para makipag-usap sa abogado hinggil sa paggamit ni Darryl Yap sa pangalan ng tatay niya sa pelikula nito.
Ang nakasaad sa caption, “Meeting muna Daddy Richie D’ Horsie ikaw na bahala sakin ah, lalaban ako para sayo hindi ako aatras ayoko bastusin ang pangalan mo Daddy.”
Ngunit ang ipinagtataka namin, walang “Alexis John Romero” account nang i-check namin sa Facebook. Ang meron lang ay “Alexis John Reyes” na ang mababasa sa description ay “Son of late Comedian Richie D Horsie.”
Naka-lock din ang kanyang profile sa FB kaya hindi ito basta-basta mabubuksan ng mga netizens. Nagpadala kami ng mensahe sa naturang account sa pamamagitan ng direct message pero wala pa kaming natatanggap na sagot.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang reaksiyon si Direk Darryl Yap sa FB post ni Alexis. Bukas ang BANDERA sa panig ng mga taong nabanggit sa artikulong ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.