Rhed Bustamante bilang Pepsi Paloma: Maganda, mahusay, MATAPANG!
BILIB na bilib ang controversial director na si Darryl Yap sa tapang ng teen star na si Rhed Bustamante na tanggapin ang offer na gumanap bilang si Pepsi Paloma.
Siguradong pinag-isipan at pinaghandaang mabuti ni Rhed ang pag-portray niya sa yumaong sexy star sa pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma” na ngayon pa lang ay mainit nang pinag-uusapan ng publiko.
Sa Facebook page ni Direk Darryl, ipinost niya ang litrato ni Rhed Bustamante kung saan ipinakilala nga niya bilang si Pepsi Paloma sa ginagawa niyang biopic ng pumanaw na aktres.
Aniya sa caption, “Maraming Maganda, Maraming Mahusay, pero Konti lang ang Maganda, Mahusay at MATAPANG.
Baka Bet Mo: Igan sa Pepsi Paloma movie ni Darryl Yap: Malabong payagan ng MTRCB
“14 years old lamang si Pepsi Paloma noong pumasok siya sa Showbiz. Kaya’t mahalagang isang galing sa pagiging Child Star ang gumanap sa kanya,” pahayag ng matapang at palabang direktor.
Pagpapatuloy pa niya, “Salamat Rhed Bustamante, Salamat sa pagtanggap, pagtitiwala at pagtupad sa pangarap ng isang Batang Olongapo na maikwento ang buhay ng kanyang kababayan.
“THE RAPISTS OF PEPSI PALOMA. #TROPP #TROPP2025. CINEMAS 2025.”
View this post on Instagram
Sa mga hindi pa masyadong aware, unang nakilala si Rhed sa Kapamilya series na “FlordeLiza” at sa pelikulang “Seklusyon” kung saan nanalo siya ng Child Performer of the Year award at na-nominate pang Best Supporting Actress sa Gawad Urian.
Ngunit biglang nawala sa eksena ang dalagita hanggang sa magpa-interview siya sa veteran broadcast journalist na si Korina Sanchez-Roxas noong 2018 sa “Rated K.” Dito inamin ng aktres na nahirapan siya noon sa buhay-showbiz.
“Akala ko po kapag nag-artista ka marami pong mag-offer sa ‘yo pero di po pala gano’n. Hindi rin po pala gano’n kadali mag-artista po,” ani Rhed na ang huli pang acting project ay ang “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Ni-reveal din ng dating child star ang matitinding hamon na hinarap ng kanyang pamilya noon tulad ng pagpapalayas sa kanila sa inuupahang bahay at ang mabuhay sa dilim dahil naputulan sila ng kuryente.
Nagtinda rin daw siya ng mga pagkain kasama ang ina sa may PNR train station sa Sampaloc, Manila.
Dinapuan din siya noon ng sakit sa balat na tinatawag na “incontinentia pigmenti.”
Kasunod nito, naging active si Rhed sa social media hanggang sa mag-viral nga ang mga glow-up photos niya noong 2022 kung saan makikita ang ilang pagbabago sa kanyang itsura.
Hanggang sa ipakilala na nga siya ni Direk Darryl bilang lead star sa life story ng namayapang sexy star na si Pepsi Paloma noong dekada 80.
Mapapanood sa pinag-uusapang teaser ng pelikula na may titulong “Laban o Bawi” ang intense na eksena ni Gina Alajar na gumaganap sa karakter ng namayapang veteran actress na si Charito Solis kasama si Rhed as Pepsi.
Dialogue ni Gina, “Ipaliwanag mo sa akin, magsabi ka sa akin, ipaliwanag mo dahil hindi ko naiintindihan! Pepsi sumagot ka! Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?” Na sinagot naman ni Rhed ng, “Oo!”
Mababasa naman sa next frame ang mga katagang, “NAGSAMPA NG KASONG RAPE SI PEPSI PALOMA LABAN KAY VIC SOTTO NOONG AUGUST 17, 1982.”
Mapapanood din ang teaser sa Facebook page ng “VinCentiments”, ang pag-aaring film production ni Direk Darryl na may pamagat na “LABAN O BAWI.”
“Inakusahan ng Rape ni Pepsi Paloma si Vic Sotto atbp; subalit makalipas ang ilang kaganapan ay inurong nito ang demanda. Bakit?” ang sabi sa caption.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.