Magkapatid nag-away dahil sa basura na nagkakahalaga ng P3k, paano pinagbati ng ‘CIA with BA’?
MULING pinatunayan ng “CIA with BA” sa pinakahuling episode nito ang kasabihang “blood is thicker than water.”
Nitong Linggo, July 2, hinarap ng magkapatid na Sen Alan Peter at Sen. Pia Cayetano at ng TV host na si Boy Abunda ang reklamo ni Gary Alonzo.
Ito’y tungkol sa kanyang nakatatandang kapatid na si Berto na bigla umanong ibinenta ang kanyang mga naipong kalakal na nagkakahalaga ng halos P3,000.
Pero ayon kay Berto, ang mga nasabing kalakal ay nagdudulot ng istorbo sa mga kapitbahay dahil ang mga ito’y nakatambak sa harap ng kanilang bahay kung saan nakatira rin si Gary.
Bukod pa rito, ang halaga na napagbentahan ni Berto sa mga kalakal ay itinuturing niyang bayad ni Gary sa kuryente at iba pang mga bayarin.
Baka Bet Mo: Boy Abunda mas naa-appreciate pa ngayon ang mga mambabatas dahil sa ‘CIA with BA’
Ayon kay kay Sen. Alan, “Obligasyon namin sabihin kung ano ang batas.”
“In one sense kasi, Gary, ang sinasabi nga niya (Berto), doon nakatambak (mga kalakal), bahay niya ‘yon, may karapatan siyang tanggalin ‘yon,” sabi niya kay Gary.
“Pero tama ka naman Gary na iba kasi ‘yung ‘tanggalin’ — ‘yung tatanggalin mo ang perwisyo—at iba ‘yung binebenta mo,” dagdag niya.
“Kasi kapag binenta mo, ari-arian niya (Gary) ‘yon. Kaya kung batas at batas ang pag-uusapan, pwedeng tanggalin ‘yon pero hindi mo dapat ibenta ‘yon kaya ‘yung pera dapat isauli sa kanya,” pagpapatuloy niya habang kausap si Berto.
Sinabi pa ni Sen. Alan na tutulungan ng programa ang magkapatid pero dapat nilang ayusin ang kanilang relasyon.
“Sasagutin na namin ‘yung tatlong libo, sagutin namin ‘yung konting (halaga para sa) kuryente at tubig, hanggang doon ‘yung tulong namin.
“Pero ‘yung relasyon niyo (bilang magkapatid), hindi namin kayang idikta ‘yon. Pero sana mag-usap kayong dalawa, ‘wag kayong aalis dito sa studio na hindi man lang bumabalik ‘yung turingan bilang magkapatid,” pakiusap ng senador.
Bago nagtapos ang “Case 2 Face” segment, humingi ng tawad si Gary kay Berto.
“‘Tol, kung ano man nagawa ko sa ‘yo, patawarin mo ako. Sana ‘di na natin i-aano ‘yung pagiging magkapatid natin,” sabi ni Gary habang umiiyak at yakap ang kuya.
“Mas maganda, ayusin na natin buhay natin. Makinig ka sa ‘kin. Ilalagay naman kita sa maayos e,” sabi naman ni Berto sa nakababatang kapatid.
Bukod sa tulong pinansyal, nagbigay rin ang “CIA with BA” ng tulong para sa edukasyon ng anak ni Gary at maliit na pagkakakitaan.
Ang “CIA with BA” ay pagpapatuloy ng legasiya ni Sen. Rene Cayetano, ang yumaong ama ng magkapatid na senador. Si Senador Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang “Compañero y Compañera” noong 1997 hanggang 2001.
Patuloy na panoorin ang “CIA with BA,” kasama sina Alan, Pia, and Boy, tuwing Linggo ng gabi, 11:30 sa GMA.
Payo ng ‘CIA with BA’ sa mga tatay na patuloy na nagsasakripisyo para sa pamilya: ‘Laban lang!’
‘Ina laban sa anak’: Mga isyu sa relasyon ng pamilya tutugunan ng ‘CIA with BA’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.