Payo ng ‘CIA with BA’ sa mga tatay na patuloy na nagsasakripisyo para sa pamilya: ‘Laban lang!’
NAGBAHAGI ng kani-kanilang saloobin ang mga host ng “CIA with BA” sa Father’s Day episode nito kung saan hinarap nila ang mga isyu na may kinalaman sa mga ama.
Isa na rito ang paghingi ng tulong at payo ng isang ama na may mga anak na nakararanas ng bullying dahil sa kanilang albinism, isang rare genetic condition na nagdudulot ng pagkawala ng pigment sa balat, sa buhok, at sa mata, at minsan ay sinasamahan ng problema sa paningin.
“I learned na ang tatay, gustong ipagtanggol ka, gustong mag-provide para sa ‘yo, gusto kang ipaglaban pero in this world, hindi mo kontrolado lahat,” sabi ni Sen. Alan Peter Cayetano.
“So alam mo, makita lang naman talaga nung anak ‘yung pagmamahal ng tatay, rest assured mga tatay, alam nilang gagawin mo ‘yung lahat,” aniya pa.
Baka Bet Mo: Boy Abunda mas naa-appreciate pa ngayon ang mga mambabatas dahil sa ‘CIA with BA’
“Sometimes ‘yung mga tatay parang ‘hindi ko maibibigay ‘to, hindi ko magagawa ‘to…paano na lang?’ But no, ‘yung effort niyo, nakikita ng mga anak and that speaks much much more than when you say ‘I love you’ dun sa bata,” saad pa niya.
“Sa lahat ng fathers na nags-struggle, sa lahat ng fathers na you think you’re powerless, laban lang! And your children appreciate you,” dagdag pa ng senador.
Sumang-ayon sa sinabi ng kanyang kapatid si Sen. Pia at inalala kung paano ipinahahayag ng kanilang yumaong ama na si Sen. Rene Cayetano ang pagmamahal nito sa kanila noong sila ay mga bata pa.
“‘Yung isang napansin ko sa father namin, mahilig siyang magsulat. Parang in a way, hindi uso nu’ng time nila na basta-basta kang sabihan na ‘I love you, anak’.
“Pero ang ginagawa ng tatay namin, nagsusulat siya sa amin every occasion, may love letter siya sa amin,” pagbabahagi ng senadora.
“Maiksi man minsan o mahaba, lahat kami may tinago kaming ganyan. Tip ko lang din ‘yon sa mga tatay, maybe you can say your thoughts in a short note. Find a way na ipaalam niyo ‘yung pagmamahal niyo,” dagdag niya.
Ibinahagi naman ni Boy Abunda ang palaging sinasabi sa kanya ng ama na matagal naging konduktor ng bus.
“Palagi niyang sinasabi, ‘Kung nangangarap ka, dumating ka.’ If you dream, show up,” pahayag ng award-winning TV host.
Ang “CIA with BA” ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ng yumaong ama ng magkapatid na senador.
Si Sen. Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang ‘Compañero y Compañera’ noong 1997 hanggang 2001.
Samantala, nagpapasalamat din ang programa sa lahat ng mga sumusubaybay dito dahil sa patuloy na pag-ariba nito sa ratings game.
Patuloy na panooring ang “CIA with BA” tuwing Linggo, 11:30 ng gabi sa GMA 7.
Nanay na ‘inireklamo’ nakatanggap pa ng tulong mula sa ‘CIA with BA’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.