Ogie Diaz ibinandera ang bagong achievement ng bunsong anak, binalikan ang mga panahong agaw-buhay ito
ISANG proud father ang talent manager at komedyanteng si Ogie Diaz sa kanyang bunsong anak na si Meerah.
Kamakailan ay nagtapos ang kanyang anak sa kindergarten kaya naman binati niya ito sa pamamagitan ng Facebook post.
“Hanggang ngayon, di pa din makapaniwala ang daddy. Akala ko talaga, kukunin ka na sa amin kasi nga, agaw-buhay ka na noon. 4 months kang naka-incubator, daming nakasaksak sa katawan mo para umandar ang lahat ng vital organs mo,” panimula ni Ogie.
Aminado siya na talagang sinubok sila noon lalo na sa aspetong pinansyal para lamang maisalba ang anak.
Matatandaang ipinanganak prematurely noon ang bunso nina Ogie at dumating sa puntong tila hindi na raw ito makaka-recover.
Ngunit sa kabila nito ay tinatagan nilang pamilya ang kanilang loob at ginawa ang lahat para lang mabuhay ito.
“Ang gastos. Suka ka everyday ng pera. Actually, tandang-tanda ko pa that time, muntik akong mag-callboy dahil 30k per day ka sa incubator, buti na lang, naalala ko, bading pala si daddy, di papasang callboy. Hahaha!” birong baliktanaw pa ng talent manager.
Labis naman ang pasasalamat ni Ogie dahil naging matatag ang anak at lumaban rin ito para mabuhay.
“Thank you, anak, at lumaban ka. Di ka sumuko. Ang tapang mo. Mas matapang ka sa daddy mo,” sey niya.
Pinasalamatan rin ni Ogie ang kanyang kabiyak na si Mommy Sowl dahil sa pagiging matapang nito sa pakikipaglaban para sa buhay ng anak.
“Pero may pinakamatapang sa journey mo — si Mommy Sowl. Dahil siya talaga ang bayani ng buhay mo.
“13 days sa labor room, complete bed rest para umabot ka man lang ng 6 months sa tiyan niya bago ka isilang,” kuwento ni Ogie.
At makalipas nga ang ilang taon ay isang malusog na bata na si Meerah.
Lahad pa ni Ogie, “At yun na nga, 625 grams ka lang, pero tingnan mo ang bait talaga ng Diyos, o! Six years old ka na!
“Pagbutihin mo, anak, ang pag-aaral hanggang sa makatapos ka sa kolehiyo. Dahil alam ko, ikaw ang mag-aahon sa amin sa kahirapan. Charot. I love you, my bunso!”
Related Chika:
Hirit ni Ogie Diaz kapag bumalik sa ABS-CBN si Willie Revillame: Mula sa top management ang magre-resign…
Ogie Diaz may pinaringgang ‘host’: ‘Wag ka masyadong dependent sa teleprompter’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.