Ogie Diaz sa Duterte supporters: Kesa makipag-away, prayer vigil dapat!

PHOTO: Facebook/Ogie Diaz
TILA tinalakan ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz ang supporters ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Ogie, imbes na makipag-away sa social media at mang-target ng celebrities ay dapat gamitin nalang ang kanilang oras sa pagdarasal sa dating presidente.
Kasalukuyang hawak ng International Criminal Court (ICC) si Duterte sa isang detention center sa The Hague, Netherlands matapos arestuhin Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa kasong crimes against humanity.
Sa pamamagitan ng Instagram Stories, naglabas ng sama ng loob umano ang talent manager.
“Nagsimba ako. Ipinagdasal ko na sana ay safe at nasa mabuting kalagayan ang dating pangulo sa Netherlands,” sey niya.
Baka Bet Mo: TIMELINE: ‘War on Drugs’ ni Duterte hanggang pag-aresto, kaso sa ICC
Patuloy niya, “Sana, ‘yun din ang unang-unang ginagawa ng karamihan ng supporters ng dating pangulo kesa makipag-away sa socmed. Prayer vigil dapat.”
Kasunod niyan ay binanggit niya ‘yung pamba-bash recently sa TV hosts na sina Kim Chiu at Vhong Navarro.
Magugunitang hindi nagustuhan ng marami ang binasang spiel ng dalawa sa nakaraang episode ng “It’s Showtime.”
May nabanggit silang “deserve” at ikonekta ito agad ng ilan sa pag-aresto at pagkulong sa dating pangulo.
Agad namang nilinaw ng dalawa na hindi ito tungkol doon at kasama ito sa ibinigay na script sa kanila.
Anyway, ito ang naging hirit ni Ogie patungkol diyan: “Walang mangyayari kung inaatake n’yo ang mga katulad nina Vhong Navarro at Kim Chiu na wala namang masamang ginagawa sa inyo.”
“Nagbabasa lang naman sila ng spiels sa ‘It’s Showtime’ pero ang dating sa inyo, pinariringgan kayo,” talak ng showbiz insider.
Giit pa niya, “Dasal po ang kailangan para sa dating pangulo, hindi tamang hinala.”

PHOTO: Instagram Story/@ogie_diaz
Ang kaso sa ICC ay nag-ugat sa giyera kontra droga o Oplan Tokhang sa pamamahala ng Administrasyong Duterte.
Ayon sa datos ng gobyerno, tinatayang 6,000 katao ang namatay sa “war on drugs” ng administrasyong Duterte, ngunit ayon sa mga human rights group ay posibleng umabot sa 20,000 ang totoong bilang ng mga napatay.
Si Duterte ang unang lider mula Asya na haharap sa paglilitis sa The Hague at ang ikalawang pagdinig niya ay nakatakda sa darating na Setyembre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.