PAGASA: Bagyong Betty palabas na ng bansa, Signal no. 1 sa Batanes; 2 bagyo ngayong Hunyo inaasahan
POSIBLENG ngayong araw na lumabas ng ating bansa ang bagyong Betty, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
“Inaasahan na lalabas na ng ating Area of Responsibility itong si Bagyong Betty sa mga susunod na oras,” sey ng Weather Specialist Benison Estareja sa isang press briefing ngayong June 1.
Dagdag pa niya, “So maaaring mamayang tanghali o hapon patungo na po ito sa may Okinawa Islands.”
“‘Yung general direction nito sa mga susunod na oras ay palayo na ito ng ating bansa at unti-unti na ring bibilis hanggang sa papunta na po sa Pacific Ocean pagsapit ng weekend at posibleng humina pa bilang Tropical Storm,” paliwanag pa niya.
As of 4 a.m., huling namataan ang bagyo 505 kilometers Northeast ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang lakas na hanging aabot sa 110 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 135 kilometers per hour.
Ang kilos ng bagyo ay may bilis na 15 kilometers per hour papunta sa hilaga.
Baka Bet Mo: PAGASA: ‘Ang pagpasok ng bagyo ay posibleng hudyat ng pagsisimula ng panahon ng tag-ulan’
Bagamat unti-unti nang lumalayo sa kalupaan ang nasabing bagyo ay nakataas pa rin sa Tropical Wind Cyclone Signal no. 1 o malakas na bugso ang Batanes.
Ngunit pagtitiyak naman ng weather bureau na aalisin din ang nasabing wind signal sa oras na nakalabas na ng ating teritoryo ang bagyong Betty.
“In terms of severe winds, asahan natin na ili-lift na or tatanggalin na ‘yung wind signal dito sa Batanes the moment na lumayo pa at umalis na ng Area of Responsibility itong si bagyong Betty,” sambit ng weather specialist.
Dahil sa bagyo, makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan ang Metro Manila, at ilan pang bahagi ng Luzon at Visayas.
Malakas din ang epekto ng Southwest Monsoon o Hanging Habagat na nagpapaulan sa Occidental Mindoro, Antique, at Northern Palawan kabilang na ang mga isla ng Cuyo, Calamian, at Kalayaan, pati na rin ang Mindanao.
Samantala, nabanggit ng PAGASA na posibleng magkaroon ng isa hanggang dalawang bagyo ngayong buwan ng Hunyo.
“Kadalasan po kapag buwan ng Hunyo, meron po tayong nabubuong bagyo dito sa Silangang parte ng Visayas and Mindanao, and even Bicol Region…Isa o dalawang bagyo po ang posibleng ating maranasan o posibleng pumasok sa ating Area of Responsibility at papangalanan natin itong Chedeng at Dodong,” ani ni Estareja.
Read more:
PAGASA: 10 hanggang 14 na bagyo ang aasahan sa bansa ngayong taon
PAGASA may bagong instrumento upang ma-monitor ang dami ng ulan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.