Bagyong Betty nakapasok na sa bansa, ‘Signal no. 1’ posibleng itaas sa Northern Luzon –PAGASA
PUMASOK na ng ating bansa ang binabantayang Super Typhoon ng PAGASA na may international name na “Mawar” na ngayon ay tinatawag na nating “Betty.”
Huling namataan ang bago 1,320 kilometers sa Silangan ng Central Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 195 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 240 kilometers per hour.
Ang kilos nito ay may bilis na 25 kilometers per hour papuntang kanluran.
Ayon sa weather bureau, posibleng maapektuhan ng bagyo ang Batanes at Babuyan Islands sa mga susunod na araw.
“Sa susunod na dalawang araw or over the weekend, generally west northwest ‘yung pagkilos nito at mananatiling malakas as a Super Typhoon,” sey ni Weather Specialist Benison Estareja sa isinagawang press briefing ngayong May 27.
Paliwanag pa niya, “Pagsapit naman po ng Lunes hanggang sa Miyerkules, ito ‘yung pinaka-crucial na part dahil mapapansin po nila na pinakamalapit ito sa ating kalupaan partikular na dito sa Batanes at Babuyan Islands.”
Baka Bet Mo: PAGASA: ‘Ang pagpasok ng bagyo ay posibleng hudyat ng pagsisimula ng panahon ng tag-ulan’
Babala pa ng ahensya, palalakasin ng bagyo ang Hanging Habagat na siyang magdudulot ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
“Kasabay niyan ‘yung Southwest Monsoon or Habagat na siyang magdadala ng maulang panahon dito sa Western side of Luzon, Visayas and Mindanao ay maaaring magtagal din po simula Lunes hanggang sa Miyerkules,” sambit ni Estareja.
Sinabi rin ng PAGASA na posible silang magtaas ng “Signal no. 1” sa bahagi ng Northern Luzon ngayong araw.
“In terms of severe winds over this weekend, possible po tayo magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal or babala sa hangin sa ilang parte ng Northern Luzon, lalo na sa northern portions, magsisimula tayo ng Wind Signal number one either mamayang hapon or gabi,” saad ng weather specialist.
Base naman sa forecast track ng bagyo, unti-unti itong hihina pagsapit ng Lunes hanggang sa makalabas ang bagyo sa ating teritoryo.
Tinatayang lalayo sa ating kalupaan ang bagyong Betty pagdating ng Huwebes.
Dahil sa “trough” o buntot ng bagyong Betty, asahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Palawan, Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Caraga.
Uulanin din ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa na dulot naman ng tinatawag na Southwesterly Windflow.
Read more:
PAGASA: 10 hanggang 14 na bagyo ang aasahan sa bansa ngayong taon
PAGASA may bagong instrumento upang ma-monitor ang dami ng ulan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.