Joey Reyes todo-tanggol kina PBBM at FL Liza Marcos, naglabas ng ‘resibo’

Joey Reyes, Pangulong Bongbong Marcos at First Lady Liza Marcos
IPINAGTANGGOL ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Direk Joey Reyes ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr..
Partikular na binanggit ng award-winning filmmaker ang asawa ni PBBM na si First Lady Liza Araneta-Marcos, na todo ang pagtulong ngayon sa Philippine movie industry.
Ayon kay Direk Joey, sa kauna-unahang pagkakataon daw ay bumili ang pamahalaan ng restoration machine para ma-restore at mapanatili sa maayos na kundisyon ang mga classic at premyadong Filipino movies.
Sa interview kay Direk Joey ng “At The Forefront” ni Atty. Karen Jimeno sa BNC, nanawagan ang FDCP chairperson na huwag daw isipin ng publiko na dedma lang at walang ginagawang tulong ang gobyerno para sa industriya ng pelikula sa Pilipinas.
Kasunod nito ay ibinandera nga ni Direk Joey ang pakikipagtulungan ni FL Liza sa FDCP upang mas umangat pa ang kalidad ng pelikulang Pilipino.
“Huwag ninyong akalaing walang ginagawa ang gobyerno, okay, sa pag-a-uplift ng pelikulang Pilipino.
View this post on Instagram
“Bakit? May sabihin ako sa inyo. For the first time itong pamahalaang ito, nagbigay ng pera para makabili ng restoration machine, okay, para dito ma-restore ang mga Filipino movies,” ang pahayag ng direktor.
Pagmamalaki pa niya, “Wala pang gumagawa nito! Yung iba puro ‘abla’ ‘abla’ ‘abla’ pero ang gusto ko ngayon lalung-lalo na sa ginagawa ng First Lady is she’s putting her money where her mouth is. Okay? And she wants action.”
May pakiusap din si Chair Joey sa lahat ng Pinoy, “Pagbigyan n’yo naman ang pelikulang Pilipino. Bago n’yo matahin, alamin ninyo… kung meron mang kumakalaban sa atin, kung meron mang humahatak pababa sa Pilipino, ang nakakalungkot ay ang kapwa Pilipino.
“Kasi kung hindi tayo maniniwala kung ano tayo, sino pa ang maniniwala sa atin?” ang sentimyento pa ng direktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.