Kiko Estrada nawalan ng ganang umarte; naging bida after 12 years sa showbiz

Kiko Estrada
ABOT-LANGIT ang pasasalamat ni Kiko Estrada sa TV5 dahil sa tiwala at pagpapahalaga na ibinibigay sa kanya ng network.
Hindi napigilan ng aktor na maging sentimental sa naganap na finale mediacon para sa teleseryeng pinagbibidahan niya, ang action-drama na “Lumuhod Ka Sa Lupa.”
Ito ay orihinal na obra ng yumaong direktor na si Carlo J. Caparas at unang ginawang movie noong 1986 na pinagbidahan ni Rudy Fernandez sa direksiyon ni Manuel “Fyke” Cinco.
Chika ni Kiko, “Dumating itong project na ito sa punto ng buhay ko na wala na akong ganang umarte. Pero nu’ng makita ko yung project, tapos nakasama ko yung cast, nakasama ko yung direktor ko, nabuhayan ako ulit.
“First time I was given a lead project in 12 years. Nilagay ko lahat ng eggs ko sa isang basket.
“I focused. Nag-aral ako paano maging magaling na artista. Sinubukan ko. Mga idol ko, yan,” ang pahayag ng aktor na ang tinutukoy ay ang mga co-star niya sa serye na sina Sid Lucero at Gardo Versoza na present din sa presscon.
Naroon din sina Ryza Cenon, Rhen Escaño at ang child actress na si Althea Ruedas. Kasama rin sa cast sina Heaven Peralejo, Mon Confiado, Marco Gallo, Andre Yllana, JC Tiuseco, Andrew Muhlach at Phoebe Walker.
View this post on Instagram
Pagbabahagi pa ni Kiko, “Gusto ko lang magpasalamat sa lahat ng team, unang-una sa Diyos, sa pamilya ko, Boss Vic (del Rosario Jr.), my TV5 bosses, Sir Guido (Zaballero).
“I just wanna say thank you to my producers, to my directors, to my castmates, maraming salamat,” aniya pa.
Dagdag pa niya, “I put my best foot forward, and tried to deliver my version… at nagpapasalamat po ako na binigyan ako ng pagkakataon, at pinaghirapan ko po iyon.
“And it’s heartwarming to see people that interviewed me when I was a kid, and the trust that my bosses gave to me,” saad ni Kiko.
Nasa huling tatlong linggo na ang “Lumuhod Ka Sa Lupa” kaya huwag na huwag nang bibitiw. Napapanood ito mula Lunes hanggang Biyernes, 7:15 p.m. sa TV5 pagkatapos ng “Frontline Pilipinas”, at may catch-up replay ng 8 p.m. sa Sari-Sari Channel.
Sa mga hindi pa aware, si Kiko ay anak ng aktor na si Gary Estrada (anak ni George Estregan) sa dating aktres na si Cheska Diaz (anak naman ni Paquito Diaz).
Samantala, inamin naman ni Kiko na meron siyang non-showbiz girlfriend, “Bakit? Sinong nagsabing wala akong girlfriend? For me to know and for you guys to find out.”
Isa raw ang naturang girl sa mga inspirasyon niya ngayon sa pagtatrabaho. Sa katunayan naghahanda na siya sa kanyang susunod na teleserye.
“Gagalingan at gagalingan ko lang. Itong next project na pinaghihirapan ko ngayon Actually yung Lumuhod Ka Sa Lupa was parang trial and error, tapos parang training siya para dito sa next project.
“So ito, malapit talaga sa puso ko, kasi gaya ng sinabi ko kanina, first project na may dikit ang Lolo Paquito Diaz ko. So, ito ang magiging obra maestra na gagawin ko sa buong buhay ko,” sabi pa ni Kiko Estrada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.