Willie Revillame sobrang busy, tutok na tutok sa AMBS2
“SI Willie (Revillame) kapag hindi sumasagot ibig sabihin sobrang busy niya. Binabantayan niya ‘yung ginagawang studio para sa AMBS network sa Starmall,” ito ang tsika ni Nanay Cristy Fermin nang dalawin namin siya sa Obra ni Nanay Gallery kamakailan.
Doon kasi nagso-shoot ng “Showbiz Now Na” vlog para sa YouTube channel nina ‘nay Cristy, Romel Chika at Morly Alinio.
Sa Starmall EDSA-Shaw gaganapin ang mga live shows ng TV network ng AMBS na pag-aari ng mga Villar sa pangunguna ni ex-Senator Manny Villar na pamamahalaan naman ni Willie Revillame ang entertainment dahil co-production ng WBR Entertainment.
Masyadong metikuloso raw si Willie kapag may ipinagagawa tulad din ng ipagawa niya ang sarili niyang studio at dressing room para sa “Wowowillie” sa TV5, “Wowowee” sa ABS-CBN at “Wowowin” sa GMA 7.
“Pati pakong ipupukpok kailangan alam ni Willie, kulang na lang siya magpukpok, ganu’n siya ka-metikuloso anak. Kaya pag ganyan na hindi sumasagot, busy siya at ayaw ko ng istorbohin. Kusa namang kokontak ‘yun pag hindi na busy,” paglalarawan ni nanay Cristy sa TV host/producer na ngayon ay may bagong posisyon para sa production ng AMBS.
Samantala, sa Facebook page na Wowowin ay ipinakita ang iba’ ibang kulay ng logo ng AMBS 2 na nakalagay ding ‘soon.’
May live video si Willie na naka-post din sa nasabing FB page ng “Wowowin”.
Sabi ng TV host/producer, “Ilang buwan tayong hindi nagkita after my GMA stint, and then, nag-YouTube tayo, nag-Facebook tayo, and then, nahinto tayo, dahil marami tayong ginagawa.
“Akala niyo wala akong ginagawa? Marami ho, dahil kapag may kailangan kang gawin, gagawa ka ng paraan para sa mga kababayan. Tuloy-tuloy ang saya, tuloy-tuloy ang kaligayahan. Dahil ang ‘Wowowin’, magbabalik na!
“Magbabalik na, hindi lang sa YouTube, hindi lang sa Facebook, dahil may bago nang network, abangan niyo, malapit na `yan!”
Nakuwento rin ni Willie na bilang may experience na rin sa production ay tutulong siya sa para mabuo ang AMBS2.
“Sa karanasan ko, bago sila sa business na ito, ang pamilya Villar. Ang mabibigay kong experience, mga taong kukunin, mga dapat gawin. Ang laking gastos nito, it’s a network. I’m here to help. Hindi lang bilang TV host kundi part ng management.
“Pinag-uusapan namin kung sino mga artistang makakasama. Hindi lang ‘yung they just go in, and then go out. Malaking bagay dapat na ariin nila ang mga programa.
“Gaya ng ginawa ko. Inari ko ang show. Ang importante involved sila. Hindi `yung papasok sila ng 8 o clock, tapos aalis na after. Dapat involved ka, part ka ng programa. Dahil ikaw ang nakaharap sa kamera. Ang ratings ikaw ‘yan, kaya dapat galingan mo. Dapat 110% nandiyan ang puso at dedication sa trabaho,” paliwanag mabuti ni Willie.
May nabanggit si Willie na may mga kinakausap na rin silang mga personalidad pero hindi pa maaring banggitin dahil under nego palang lahat.
“Meron kaming mga kinakausap na. Pero hindi pa puwedeng sabihin, hindi pa close ang deal. Ako ang kumakausap. Pinapakilala ko sa kanila, sila ang nag-uusap regarding sa contract.
“Kukuha kami ng mga artista na mamahalin ng mga televiewers. Kung sino ang gusto nila. Siyempre idadaan namin sa tama.
“It’s all up to them. Mag offer kami ng programa, kung ano magiging desisyon, sila naman `yan. Meron din kaming mga programa, na puwedeng maging venue sa mga baguhan, singing, acting. We need new talents. Lahat ‘yan nakaplano!”
“From the bottom tayo ulit. Wala kaming mga artista. Ako pa lang ngayon. ‘Yung mga kausap ko wala pang commitment.”
At mula na rin kay Willie na magsisimula na sa Oktubre 2022 ang ere ng AMBS2.
“Ok naman lahat, mahirap siyempre, kailangang bumili ng mga bagong equipment, talagang mabigat ang gastos. Sa October 1, balak namin na talagang lahat ng lugar. Luzon, Visayas, Mindanao gusto namin na nandoon kami para magbigay ng kaligayahan,” sambit nito.
Lahat daw ay magiging masaya ang mga taga Luzon, Visayas at Mindanao pagdating ng Disyembre.
Samantala, ayon naman sa aming source ay ‘done deal’ na ang usapan nina Willie at Viva boss, Vic del Rosario para sa mga ipalalabas nilang pelikula at shows sa AMBS2 network.
Sabi na ni Willie, “Hindi lang si Boss Vic. Open ito sa lahat. Open ito sa mga managers. Sa mga nangangarap mag-artista. Mga walang trabaho na artista. Open ito sa lahat.”
Related Chika:
Willie itutuloy na ang Wil Network habang hindi pa bukas ang AMBS, tutuparin ang pangako sa publiko
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.