Willie itutuloy na ang Wil Network habang hindi pa bukas ang AMBS, tutuparin ang pangako sa publiko
“PANSAMANTALA habang wala pa itong AMBS (Advance Media Broadcasting System) kapartner si (ex) Sen. Manny Villar ay uunahin po muna ‘yung Wil Network ni Willie Revillame.”
Ito ang pahayag ni ‘Nay Cristy Fermin sa latest content sa kanyang YouTube channel na “Showbiz Now Na” ngayong araw kasama sina Romel Chika at Morly Alinio.
“Magkakaroon ng mga programa sa araw-araw. Itutuloy niya ‘yung sinumpaan niyang pagtulong sa ating mga kababayan na isang tawag lang bibigyan ka na ng 30,000 to 40,000. Ito po muna ‘yung magdurugtong sa kanyang pangako ng pagtulong,” sabi pa ng beteranang kolumnista at radio host.
Malapit na raw simulan ni Willie ang kanyang Will Network. Nang magpaalam siya sa GMA 7 ay sinabi niya sa mga tagasubaybay niya na itutuloy pa rin niya ang pagtulong.
“Ibinigay sa kanya ng GMA 7 ‘yung numero ng followers niya sa social media, iba-iba ‘yun which is 27 million, nasa kanya na ‘yun.
“Ito naman, kaya niya gagawin (Wil Network) para ipagpatuloy ‘yung pagtulong niya sa mga kababayan natin. Tanggapin po natin, pandemya pa rin ngayon. Nagluwag lamang po, pandemya pa rin ang buhay natin,” diin ni ‘Nay Cristy na malapit kay Willie.
Dagdag pa niya, “Nanggaling ka na nga sa malaking istasyon, magtatayo ka ng Wil Network, demotion daw iyon, pababa.”
Hiningan naman nito ng opinyon si Morly, “Parang hindi naman kasi siya (Willie) rin naman mismo ang nagsabi na saan man siya naroon anuman ang kanyang ginagawa basta’t nakalaan ang kanyang puso sa mahihirap, go lang.”
Sabi ni Romel Chika, “Saka malakas kasi ang loob niya ‘Nay. Alam niya na maraming sumusuporta sa kanya kasi mahirap talagang magtayo ng bago talaga, nakakakaba kasi hindi mo alam kung susundan ka o hindi. Pero siya (Willie) inilaban niya talaga dahil sa paniniwala niya ay maraming sumusuporta sa kanya.”
Sabi rin ni ‘Nay Cristy, “Kahit pa sa ilalim ng puno ng Sampalok gawin ni Willie ‘yan walang kuwestiyon basta’t puso.”
Naikuwento rin ni ‘Nay Cristy na pagkatapos daw ng Mahal na Araw ay uupuan na nina Willie at Ginoong Manny ang AMBS dahil marami pang kailangang ayusin.
* * *
Matapos ang sunod-sunod na matitinding hamon ni Kuya, kinilala sina Isabel Laohoo at Nathan Juane bilang Adult Kumunity Top 2 ng “Pinoy Big Brother” (PBB) Season 10 noong weekend.
Sina Isabel at Nathan ang nakatanggap nang pinakamaraming votes to save mula sa outside world kaya naman sila ang tinanghal na Top 2 ng Adult Edition. Nanguna si Isabel sa botohan na may 29.56 percent at pumangalawa naman si Nathan na may 20.93 percent.
Maghaharap sina Isabel at Nathan at ang Celebrity Top 2 na sina Alyssa Valdez at Anji Salvacion, pati ang tatanghaling Teen Edition Top 2, para sa titulong Big Winner. Sabay namang lumabas ang tatlong hindi pinalad masungkit ang Top 2 na sina Michael Ver Comaling, Seham Daghlas, at Zach Guerrero noong weekend.
Samantala, nagsimula na rin ang panibagong yugto sa “PBB Kumunity” dahil umarangkada na ang Big Summer Adventure ng teen housemates ni Kuya. Ngunit imbes na sa bahay ni Kuya sila papunta, mananatili muna sila sa kabundukan para sa isang camping trip na siksik sa sorpresa at tasks mula kay Kuya.
Nahati sa dalawang camps ang 11 housemates sa pagpili nila ng kanilang sash. Napunta sa Camp Masagana sina Maxine Trinidad (“Ang Sassy Sports Gal ng Davao”), Gabb Skribikin (“Ang Idol Ate ng Pasig”), Dustine Mayores (“Ang Bida Pamilya Boy ng Marikina”), Eslam El Gohari (“Ang Masipagwapong Anak ng Makati”), at Rob Blackburn (“Ang Traveling Wonder Lad ng Laguna”).
Nasa Camp Matiyaga naman sina Ashton Salvador (“Ang Shy Dreamboy ng Quezon City”), Don Hilario (“Ang Lola’s Boy Galing ng Laguna”), Kai Espenido (“Ang Brave Island Girl ng Siargao”), Luke Alford (“Ang Breadwinner Bunso ng Batangas”), Stef Draper (“Ang Darling Defender ng Paranaque”), at Tiff Ronato (“Ang Brainy Big Sister ng Samar”).
Ano’ng mga hamon kaya ang naghihintay sa Camp Masagana at Camp Matiyaga? Abangan sa “PBB Kumunity Season 10” Teen Edition.
https://bandera.inquirer.net/305135/wowowin-choreographer-naghahanap-na-ng-bagong-dancers-ambs-bukas-na-sa-aspiring-talents
https://bandera.inquirer.net/305143/ka-tunying-umaming-nakipag-usap-din-kay-willie-mukhang-pipiratahin-pa-ako
https://bandera.inquirer.net/304088/arnold-clavio-sa-paggamit-ni-manny-villar-sa-abs-cbn-frequency-anong-tawag-sa-viewers-nila-ka-mella
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.