Poe: Information campaign palakasin kontra nCoV
SA harap ng banta ng novel coronavirus sa buong mundo, binigyang diin ni Senator Grace Poe ang kahalagahan ng napapanahon at tamang impormasyon para labanan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Sa China, kung saan nagmula ang nCoV, may duda kung tama ang mga impormasyong ibinibigay ng gobyerno nito sa buong mundo.
Sa umpisa pa lamang kasi, tinangka ng naturang bansa na itago ang bagong sakit, na naging dahilan para kumalat na ito bago pa man naagapan.
May isyu sa kredibilidad ng China at sa harap nito, nanawagan si Poe sa gobyerno na maglabas araw-araw ng opisyal na bulletin, kung saan nakalagay ang pinakahuling mga impormasyon kaugnay ng nCoV.
Iginiit ni Poe na napakaimportante ng up-to-date, transparent, at tamang impormasyon sa kampanya kontra nCoV.
Kinakailangan ang malawakang kampanya para malaman ng publiko kung paano makaiwas sa virus, kailan dapat sumailalim sa quarantine, saan-saang ospital pupunta kung nais magpa-check-up at kung ano ang gagawin sakaling ma-expose sa isang pasyente na pinaghihinalaang apektado ng nCoV.
Ayon kay Poe, lahat dapat ng paraan ay dapat gamitin para epektibong maparating sa mga mamamayan ang kampanya ng pamahalaan kontra nCoV.
Kabilang dito ang paglalabas ng mga brochure, komiks, electronic billboards at ang paggamit ng social media.
Sinabi pa ni Poe na sa pamamagitan ng epektibong imformation campaign, malalabanan ang mga maling impormasyon at fake news na nagkalat sa social media.
Kung aarmasan ang mga tao ng tamang impormasyon, walang magiging puwang ang mga nagpapakalat ng fake news.
Idineklara na ng World Health Organization (WHO) ang nCoV bilang isang global health emergency sa harap naman ng pagkalat nito sa buong mundo.
Kailangan maiparating sa mga tao ang seryosong banta ng nCoV kung saan, bagamat hindi kailangang mag-panic, nararapat na kumilos hindi lamang ng pambansang gobyerno at mga kaukulang ahensiya nito, kundi pati ang mga lokal na pamahalaan para bumaba sa tao ang mga impormasyon na napakahalaga para malabanan ang nCoV.
Bandang huli, nakasalalay sa kampanya ng gobyerno ang tagumpay ng gera kontra nCoV
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.