6-anyos binugbog, inuntug-untog daw sa bowl ng nanay ng kalaro
BINUGBOG umano ng isang ginang ang 6-anyos na batang kalaro ng kanyang anak sa isang barangay sa Caloocan City.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa kritikal na kundisyon ang biktima matapos is ugod sa ospital ng kanyang mga kapamilya.
Base sa pahayag ng mga kaanak ng biktimang nakilalang si Elisha, nagtungo ang bata sa bahay ng kanyang kalaro. Pagkalipas ng ilang sandali ay nakita na lamang nila ito na wala nang malay, duguan ang ulo, at puro pasa ang katawan.
“Halos hindi ko makilala ‘yung pamangkin ko kasi namamaga ‘yung mukha, namamaga ‘yung mata. Tapos ang daming pasa,” ang pahayag ng tiyahin ng biktima sa panayan ng “Unang Balita” sa GMA.
“Nakakapanlumo kasi hindi nga namin sinasaktan ‘yung bata tapos ganu’n ‘yung gagawin sa kanya,” aniya pa.
Nadakip naman ng mga pulis ang suspek na itinuro mismo ng kanyang anak na kalaro ng biktima. Isinumbong daw ng bata kung paano sinaktan ng kanyang nanay si Elisha.
Baka Bet Mo: Planong pagtakbo ni Marjorie sa Caloocan sa 2024 kinuwestiyon agad
Pahayag ni Police Captain Romel Caburog, Hillcrest Police Sub-Station commander, “According to the statement of the witness, pumasok daw ‘yung mama niya and then, no apparent reason, inuntog-untog daw ‘yung kalaro niya sa bowl. Apat na beses then, binuhat at inuga-inuga.”
Base pa sa report, naoperahan na ang biktima pero nasa kritikal pa rin itong kalagayan.
Sabi pa ni Caburog, inaalam pa nila ang motibo sa ginawa ng suspek, “‘Yun ang tinitingnan pa rin natin ngayon, bakit niya nagawa sa bata.
“Pero based sa investigation natin, tinanong natin ‘yung nanay ng suspek natin, may record siya na may mental disorder,” sabi ng opisyal.
Mahaharap sa frustrated murder ang suspek na nakakulong sa Hillcrest Police Sub-Station.
Pahayag pa ng tiyahin ng biktima, “Kung anuman dahilan niya, for me, hindi reasonsable ‘yun to do that sa pamangkin ko.
“Baby ko ‘yun. Baby namin ‘yun. Sobrang sakit. Sobrang sakit sa amin. Lumalaban pa rin siya, lumalaban siya sa buhay niya,” dagdag pa niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.