Empleyado sa mall sinaksak ng bagger dahil sa ‘bato-bato pick’
SINAKSAK ng bagger ang isang mall merchandiser sa Davao City matapos ipagtanggol daw ang kanyang karelasyon na nag-ugat sa paglalaro ng “bato-bato pick.”
Base sa report mula sa Bajada Police Station 18, naganap ang insidente dating alas-8 ng gabi habang naka-break ang biktima mula sa kanyang trabaho sa isang mall sa naturang siyudad.
Nang naglalakad na umano ang biktima patungo sa employee entrance exit door, bigla na lamang siyang nilapitan ng suspek na nagtatrabaho naman bilang bagger sa kalapit na shopping mall.
Kasunod nito, naglabas na umano ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak sa balikat ang biktima. Mabilis namang pumasok ng mall ang biktima upang humingi ng saklolo sa guwardiya.
Baka Bet Mo: Tricycle driver sinabihang maliit ang ari, nanaksak ng sekyu
Ngunit hindi na inabutan ng mga sekyu ang suspek na mabilis na tumakas.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, na-bad trip daw ang suspek nang makita ang biktima habang nakikipaglaro ng “bato-bato pick” sa kanyang dyowa at sa iba pa nitong kasamahan sa trabaho.
Nagalit daw ang suspek nang makita niya ang biktima na hinampas ang noo ng kanyang partner na nagresulta sa isang komprontasyon.
Kasunod nito, nag-message raw ang suspek sa biktima sa pamamagitan ng Facebook Messenger kung saan nakasulat ang mga katagang, “Atangan taka sa inyong trabahoan ha! Istoryahon tika! (I will wait for you at your workplace! I need to talk to you!).”
Naglunsad ng follow-up operation ang mga otoridad ngunit hindi nila natagpuan ang suspek sa bahay nito sa Agdao, Davao City. Ngunit makalipas ang ilang oras, sumuko rin ang suspek kasama ang kanyang ina at dyowa.
Agad na dinala sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) ang suspek kung saan positibo siyang itinuro ng biktima na siyang nanaksak sa kanya.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Bajada Police Station 18 ang suspek at nahaharap sa kasong frustrated murder.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.