Pacquiao sa nambabasag sa mga trip ni Jinkee: Hindi naman kami nagnakaw

Jinkee Pacquiao at Manny Pacquiao
IPINAGTANGGOL ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao ang sarili pati na ang asawang si Jinkee Pacquiao laban sa mga taong patuloy na namba-bash sa kanilang pamilya.
Nakachikahan ng BANDERA at ng ilan pang miyembro ng entertainment media si Pacquiao kamakalawa sa presscon ng mga senatoriable na nasa partido ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Dito nga naitanong kay Pacman, na muli ngang tumatakbong senador para sa 2025 midterm elections, kung ano ang masasabi niya sa mga nangnenega ay nang-ookray sa kanila ni Jinkee pati na sa kanilang mga anak.
Palaging nabibiktima ng haters ang kanyang wifey lalo na kapag nagpo-post ito ng kanyang mga branded na gamit sa social media, partikular na ang mga sapatos at bags.
Baka Bet Mo: Cristy Fermin sa chikang hiwalayan nina Manny-Jinkee: Hindi ako naniniwala kasi kita ko ‘yung language of love
Sagot ni Pacman, “Hindi naman siya naaapektuhan nu’n dahil unang-una, hindi naman namin ninakaw ‘yung pera (na ipinambili ng mga signature items), pinaghirapan naman namin ‘yun.”
Sabi pa ng boksingero, “Proud kami na sa paghihirap namin, dugo at pawis ang puhunan, eh nakabili kami ng ganu’n.
“And maging inspirasyon sana sa mga tao na kailangan nilang magsikap para matupad ‘yung mga pangarap sa buhay,” sey pa ng senatorial candidate ng Alyansa.
View this post on Instagram
Samantala, pansamantala lang na nagpahinga sa mundo ng politika ang boxing champ matapos matalo sa kanyang Presidential bid noong 2022 dahil tumatakbo nga siya bilang senador sa 2025 elections.
“I’m hoping na manalo ako at makabalik sa Senado at magawa ko ‘yung mga gusto kong gawin,” aniya.
Ilan sa mga plano ni Pacquiao ay ang paggawa ng batas para magkaroon ng pondo for sustainable livelihood para sa mga mahihirap pati na rin ang pagpapalakas ng micro, small and medium enterprises na makapagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan.
In fairness, sa sobrang yaman ni Pacquiao ay pwede na siyang mag-retire at i-enjoy na lamang ang kanyang buhay pero mas pinili pa rin niya ang maglingkod sa bayan.
“Nandito tayo sa mundong ito, nag-e-exist tayo sa mundong ito because of a purpose, and that purpose, we should know and learn na kailangang ma-glorify ang Panginoon, makatulong tayo sa kapwa natin, magawa natin ‘yung saloobin ng Panginoon.
“Habang ako’y nabubuhay, ako’y magseserbisyo, tutulong sa abot ng aking makakaya sa sambayanang Pilipino.
“‘Yan ang commitment ko, kasi where I came from, talagang hindi ko ma-imagine kung ano ‘yung narating ko ngayon because of God’s mercy and goodness, blessings,” pagbabahagi pa ni Pacman.
At bilang naging bahagi rin siya ng entertainment industry ay natanong din si Pacquiao kung may mga plano rin ba siya para sa lahat ng mga Filipino na konektado rito.
Sabi ni Pacman, nababahala rin siya sa nangyayari sa entertainment industry dahil mas tinatangkilik pa ngayon ng mga Pinoy ang mga foreign artists lalo na ang mga Korean stars.
“Makita natin sa EDSA, hindi na tagarito ‘yung mga laging pino-promote natin, taga-ibang bansa na,” sey ni Pacman.
Biro nga ng dating senador, isa rin ang misis niyang si Jinkee sa mga sumusuporta sa mga Korean artists pero aniya, mahilig ding manood ang kanyang asawa ng local TV shows at Pinoy movies.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.