Manny Pacquiao makiki-join sa Korean reality show na ‘Physical: Asia’

PHOTO: Courtesy of Netflix
SI Manny Pacquiao ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa survival competition na “Physical: Asia,” isang spinoff ng hit Korean reality series na “Physical: 100.”
Ang nasabing serye ay inaasahang ipapalabas globally sa huling bahagi ng 2025.
Ang pagtampok ng boxing legend ay ibinalita sa amin mismo ng Netflix sa pamamagitan ng isang press statement.
“Pacquiao, revered worldwide as the only boxer in history to acquire titles in eight weight divisions, brings his formidable talent and indomitable spirit to this team-based clash of champions,” saad sa pahayag.
Baka Bet Mo: Jinkee-Manny Pacquiao nag-dinner sa South Korea kasama si Ji Chang Wook, netizens muling napa-’sana all’
Ani pa, “His participation signals the show’s expanded ambition: a fierce face-off among Asia’s finest, with national pride on the line.”
Kasama sa ipinadala sa amin ng streaming platform ay ang mga larawan ni Pacman at ang kanyang misis na si Jinkee habang naglalakad sila sa airport sa South Korea.

PHOTO: Courtesy of Netflix
As of this writing, wala pang detalye kung sino-sino ang iba pang mga kalahok ng show.
Sa “Physical: Asia,” ang top athletes mula sa iba’t ibang bansa ay hahatiin sa iba’t-ibang team upang maglaban-laban sa ilang physical challenges.
Ang nagpapataas ng tensyon dito ay kapag nabigo ang isang miyembro ng team sa isang hamon, ang buong team ay matatanggal.
Sa orihinal na format ng “Physical: 100,” naglalaban-laban ang mga atleta, sports influencers, at fitness experts sa isang malakihang kompetisyon na may individual at team challenges, hanggang sa ang huling natirang kalahok ang magwawagi bilang champion.
Ang nasabing hit survival competition ay nangunguna sa Netflix’s Global Top 10 TV Series (Non-English) rankings sa loob ng dalawang taon.
Samantala, si Manny na tinaguriang “Pambansang Kamao” ay isa sa mga pinakakilalang atleta sa Pilipinas.
Siya ang tanging boksingero na nagdala ng walong world champion titles at ang pinakamatandang welterweight world champion sa edad na 40.
Tumigil na siya sa pagbo-boksing noong 2021.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.