KCC Philippines kinilalang ‘2025 Most Outstanding Korean Cultural Center’

PHOTO: Courtesy of KCC Philippines
ISANG malaking karangalan ang natanggap ng Korean Cultural Center (KCC) in the Philippines kamakailan lang.
Sila kasi ang hinirang na “2025 Most Outstanding Korean Cultural Center” sa taunang pagpupulong na pinangunahan ng Ministry of Culture, Sports and Tourism ng South Korea noong March 4 to 7 sa Korean Culture and Information Service (KOCIS) Center sa Jung-gu District sa Seoul, at sa National Library of Korea sa Sejong.
35 directors ng iba’t-ibang KCC sa buong mundo at pitong opisyal sa larangan ng cultural promotion ang dumalo sa pagpupulong na naging daan upang magbahagi ng mga karanasan sa pagpapalaganap ng kulturang Koreano sa global stage.
Pinangunahan ni Minister of Culture, Sports and Tourism Yu In Chon ang isang workshop at talakayan noong March 4 kung saan ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang mga proyekto at inisyatiba upang patatagin ang presensya ng kulturang Koreano sa kani-kanilang mga bansa.
Dito inanunsyo na ang KCC Philippines ang pinakamahusay sa lahat ng sangay ng naturang cultural center noong nakaraang taon.
Baka Bet Mo: Mga kakanin, rice cakes ibinandera ng KCC sa 75th anniv ng Pilipinas-Korea
Isa itong tagumpay na iniuugnay sa masiglang pakikipagtulungan nito sa iba’t-ibang institusyon upang ipagdiwang ang ika-75th anniversary ng relasyong diplomatiko ng Pilipinas at South Korea.
Kabilang sa mga proyektong inilunsad ng KCC Philippines ay isang interactive exhibition sa pakikipagtulungan ng National Museum of Korea, isang webtoon exhibition kasama ang Korea Creative Content Agency, at isang espesyal na pagtatanghal ng mga orihinal na soundtrack ng K-Drama na tinugtog ng Philippine Philharmonic Orchestra.
Bukod pa rito, naging abala rin ang KCC sa pag-oorganisa ng Korean Film Festival, Philippine-Korea Culture Exchange Festival, mga programang may kaugnayan sa Korean beauty, at ang malawakang Korea Festival na ginanap sa Maynila at Cebu sa pakikipagtulungan sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Cultural Center of the Philippines (CCP), at Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Sa nasabing pagpupulong, binigyang-diin ni Minister Yu ang patuloy na pagpapalakas ng koneksyon ng mundo sa Korean Wave o Hallyu, lalo na sa nalalapit na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
“Please actively promote Korean culture on the occasion of the Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit slated in Gyeongju, Gyeongsangbuk-do Province, from October to November,” sey ni Minister Yu.
Aniya pa, “We will support KCCs to faithfully play their roles as hubs connecting the world with Hallyu (Korean Wave).”
Sa loob ng apat na araw na pagtitipon, nagkaroon ng talakayan ang mga direktor ng KCC at mga opisyal ng cultural promotion kaugnay ng pagpapalawig ng Hallyu sa pakikipagtulungan ng 25 iba pang organisasyon tulad ng Korea Tourism Organization at King Sejong Institute Foundation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.