INILIGTAS ng kanyang “guardian angel” si Derek Ramsay sa tiyak na kapahamakan. Kasama sana ang hunk actor sa Asiana plane na nag-crash kamakailan sa San Francisco, USA.
Kaya abot-langit ang pasasalamat ni Derek at hindi sila nakasakay sa nasabing eroplano nu’ng magtungo sila sa Amerika kamakailan para sa annual Adobo Festival kung saan ginawaran siya ng isang award.
Kuwento ng aktor sa presscon ng bago niyang action-drama-suspence series ng TV5 na Undercover, mabuti na lang daw at nagbago ng isip ang manager niyang si Jojie Dingcong at nagpa-book sila sa ibang flight.
Ayon kay Derek, hindi raw kasi pumayag si Jojie na sa Asiana sila sumakay patungong US, kaya nagdesisyon sila na sa Philippine Airlines na lang sumakay.
“I thank my lucky stars kasi dapat sana Asiana kami. We got there (San Francisco) a day before the crash happened. We heard it on radio. It was a sad day for San Francisco,” pahayag ng Kapatid leading man.
Sey pa ni Derek, talagang nagpapasalamat siya kay Jojie at siyempre sa Diyos dahil inilayo sila sa disgrasya. Tatlong araw lang daw sa San Francisco ang aktor pero naging memorable naman daw ito dahil sa napakainit na pagtanggap sa kanila ng mga Pinoy doon.
“They went on a long drive just to go there. Hinintay nila kami kahit mainit and asked for pictures,” kuwento nito. Kitang-kita kay Derek ang pagod at stress nang humarap siya sa press para magkuwento tungkol sa Undercover na napapanood na sa primetime slot ng TV5 bago mag-Misibis Bay.
Inamin naman niya na talagang halos wala siyang pahinga ngayon. Pagkatapos kasi ng Kidlat, dire-diretso na siya sa Undercover. Pero hindi naman daw siya nagrereklamo, very grateful nga siya sa TV5 dahil mula nang lumipat siya sa network ay hindi talaga siya nabakante.
Sa Undercover, gumaganap siyang isang pulis na kinidnap, ilang taon siyang ikinulong kaya kinailangan daw siyang lagyan ng prosthetic (na oras ang inaabot sa paglalagay sa mukha niya) para magmukhang matanda dahil sa matagal na pagkaka-hostage.
Ang isa sa mga eksenang nagawa na niya para sa nasabing serye na hinding-hindi niya malilimutan ay ang pagkain sa sahig na iniipis at pagkadumi-dumi, gamit ang kanyang mga kamay.
“Masuka-suka talaga ako. Naawa ako sa sarili ko. And first time ako naiyak sa ginawa ko,” kuwento ni Derek. Kasama ni Derek sa Undercover sina Phillip Salvador bilang kontrabida, Wendell Ramos, Arci Muñoz at marami pang iba.
Ibinalita rin ng aktor na very soon ay magsu-shooting na siya para sa bago nilang pelikula ni Cristine Reyes, kasama rin sina Heart Evangelista at John Estrada under Viva Films.
Sey ni Derek, napakaganda raw ng kuwento nito na tungkol sa isang psychotic. “It happens in real life, grabe ‘yung twist, first time kong gagawin ito. And the role of Cristine, grabe! Magugulat kayo sa kanya!” sey pa ni Derek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.