IPINAMAMADALI ng isang solon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng prangkisa sa mga kuwalipikadong transport network companies upang maiwasan ang monopolya ng Grab matapos hindi sumunod ang Uber na ipagpatuloy ang operasyon nito.
Ayon kay House committee on Metro Manila Development chairman Winston Castelo tanging ang pagkakaroon ng kakompetensya ang susi para maiwasan ang monopolya.
Apat na lokal na kompanya—ang Pira, Lag Go, Owto at Hype—ang naghain ng aplikasyon sa LTFRB upang makapag-operate.
Sinabi ni Castelo na maaari ring magbigay ng incentive ang Board of Investments sa mga maliliit na kompanya upang makalaban ito sa Grab.
Nararamdaman na umano ang monopolya ng Grab dahil mayroong mga umaangal na mas mahal ang kanilang binabayaran. Dahil marami na ang naghahanap ng masasakyan sa Grab tumataas ang demand kaya tumataas din ang pasahe.
“Incentives similar to those given to pioneering businesses such as income tax breaks should be provided to new TNCs, primarily local firms, to encourage competition that will redound to the benefit of the public,” ani Castelo.
Kinuha na ng Singapore-based na Grab ang operasyon ng US-based na Uber sa Southeast Asia.
Pinag-aaralan pa ng Philippine Competition Commission ang bentahan kaya inutusan nito ang Uber na ipagpatuloy ang operasyon nito subalit tumigil na sila. Noong Lunes ay inalis na ang kanilang cellphone application.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.