Pagtaas ng SSS contribution sa Enero di na ba mapipigilan?
NITONG nakaraang mga araw, inihayag na ng pamunuan ng Social Security System (SSS) ang pagtaas ng kontribusyong binabayaran ng mga miyembro nito simula sa Enero 2018.
Unang iniamba ang pagtaas ng SSS contribution noong Mayo 2016, bagamat naantala, na ikinahinga ng maluwag ng mga SSS members.
Ngunit dahil nga nabalam, sinabi mismo ni SSS president and chief executive officer Emmanuel F. Dooc na papalo sa mahigit 12.5 porsiyento ang ikakaltas sa kontribusyon ng mga SSS miyembers, mula sa kasalukuyang 11 porsiyento.
Ang masakit, hindi ito isang bagsakan lamang dahil nauna nang sinabi ng SSS na plano nilang itaas ng 1.5 porsiyento kada taon ang kontribusyon ng mga miyembro hanggang 2020 hanggang sa umabot ito ng 17 porsiyento.
Ngayon pa lamang umaaray na ang mga SSS members lalu na ang mga minimum wage earners at sumasahod lamang ng mababa at pinagkakasya lamang para sa kani-kanilang pamilya.
Maraming natuwa nang itinuloy ang P1,000 pension hike sa mga SSS pensioners pero tiyak kong napakaraming aalma sa nakaambang pagtaas ng SSS contribution, na gagawin pa sa pagpasok na pagpasok ng taon sa susunod na taon.
Hindi maiiwasan ng mga SSS members lalu na ang mga minimum wage earners lamang na kuwestiyunin ang napakalalaking sinasahod ng mga opisyal ng SSS na siyempre ang mga miyembro nito ang pumapasan nito.
Ilan na ang umalma sa plano ng SSS at tama lamang ang hamon sa pamunuan ng SSS na unahin na munang singilin ang mga kompanyang hindi nagre-remit ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado at maging ang mga inihuhulog ng mga ito.
Meron na bang mga kompanya ang napanagot ng SSS na hindi nagre-remit ng SSS kontribusyon at maging ng mga ibinabayad ng kanilang mga miyembro sa kanilang mga loan?
Kung matitiyak lamang ng SSS na makakakolekta ang mga kontribusyon ng mga miyembro nito, tiyak na hindi na kailangang itaas pa ang sinisingil sa mga miyembro nito.
Kayang-kaya ng pamahalaan na brasuhin ang mga kompanyang hindi nagbabayad ng SSS kontribusyon kung gugustuhin lamang ng mga opisyal nito kagaya ng ginawa sa Philippine Airlines (PAL) na pinagbayad ng P6 bilyon para sa utang nito sa gobyerno.
Iba ang usapan kung may mga kompanyang pinapalusot ng mga opisyal kayat ang mga empleyado ulit ang papasan sa napakabigat na SSS contribution hike.
Para sa kasi sa mga ordinaryong mga manggagawa, ang halaga ng piso para sa kanila ay napakahalaga at gaano mang liit o laki ng idadagdag sa SSS contribution ay kabawasan na rin sa kanilang takehome pay.
Umaasa pa rin ang mga SSS members na maghihinay-hinay ang SSS sa plano nitong pagtataas ng SSS contribution simula Enero 2018.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.