Silang mga atat sa bara ng ginto | Bandera

Silang mga atat sa bara ng ginto

Jimmy Alcantara - September 05, 2017 - 12:15 AM

TILA mga buwitreng umaali-aligid sa nabubulok na karne ang mga politikong nagpapabibo sa isyu ng planong pagbabalik umano sa pamahalaan ng yaman ng pamilya Marcos.
Wala pa mang pormal na usapan sa pagitan ng pamilya Marcos at Pangulong Duterte ay kaliwa’t kanang sawsaw na ang mga pa-epal, mula kay Vice President Leni Robredo hanggang sa nalaos na si Etta Rosales.
Maliwanag pa sa sikat ng araw ang chika ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na “wala pang pag-uusap pero naniniwala kami kay Pangulong Digong na mareresolba niya ang usapin na nakabinbin pa rin hanggang ngayon sa korte. Halos dekada na kasi ang tagal nun.”
Nakakaloka itong mga politikong patol agad sa tsismis tungkol tone-toneladang ginto kahit di pa tiyak kung totoo o kathang-isip lamang ito.
Pralala ni Robredo, hindi raw pwedeng kakapiranggot lang ang ibabalik ng pamilya Marcos na yaman. Tututukan din daw niya ang negosasyon hanggang hindi naibabalik sa taumbayan ang ill-gotten wealth. Wow! Feeling-affected na affected ang lola nung panahon ng martial law kung maka-demand.
Isa pa itong si Speaker Pantaleon Alvarez na nakakatawa ang ginagawang pagsawsaw sa isyu gayung wala rin namang kinalaman sa usapin ng martial law victims. Hirit niya, dapat isoli nang walang labis at walang kulang ang yaman ng pamilyang Marcos. Payo tuloy sa kanya ng ilan ay unahin muna niya ang love life niya kesa umasta at magsalita na parang miyembro ng militanteng grupo.
Pahuhuli ba sa sawsaw ang mga dilawang sina Sen. Francis “Kiko” Pangilinan at Bam Aquino? Aba pare-pareho ang satsat ng dalawa sa kanilang press release na kesyo hindi raw sinsero ang offer ng pamilya Marcos kung hindi ibabalik nang buo ang ill-gotten wealth at kung hindi hihingi ng tawad ang mga ito sa mga kasalanan nilang nagawa ilang dekada na ang nakararaan.
At dahil bago at eksplosibo ang isyu, mawawala ba sa eksena ang epal ng taon, ayon sa mga Dutertards, na si Sen. Risa Hontiveros? Ang litanya niya, isa pang malaking bahid kuno sa kasaysayan at tangkang pagbili ng pekeng kredibilidad kung hindi raw pagbabayarin sa batas ang pamilya Marcos pagkatapos nilang isoli ang ill-gotten wealth. At inutusan pa niya si Digong na ibandera agad ang detalye ng negosasyon.
Tanong lang, kumusta naman ang kaso ni Kian? Naka-move on ka na agad?
Isa pa itong si Rosales, dating chair ng Commission on Human Rights, aba dapat daw e walang kondisyong papabor sa pamilya Marcos ang gagawin nila pagsosoli hanggang sa kahuli-hulihang sentimo na nakulimbat.
Bago sana mag-react at sumakay sa isyu ay pinakinggan muna ang sinabi ni Duterte dahil wala pang depinido sa plano.
“It was like this: The Marcoses are ready to return (the wealth). I said I accepted the explanation because there’s no other explanation. I do not know anything, I cannot debate with them so I accepted the explanation. It’s about time that this thing is finally settled,” aniya.
“(But a) President cannot (negotiate alone). It has to be the law and the law must come from Congress, not from me. I cannot say with finality that this should be the way…It’s not like if I accepted the explanation, it was already a done deal. You’re an idiot if you think so because you blurt without using the gray matter between your ears, which is your brain.”
O ayan, malinaw na malinaw na wala pang kahit anong kasunduang nagaganap.
Kaya sa mga sawsawero at sawsawerang politiko na agad na nasilaw sa kuwento ni Partylist Rep. Lito Atienza ukol sa mga bara ng ginto ang pamilyang Marcos, hintayin muna ng pormal na pag-uusap ng Marcos family at Duterte administration.
Itigil muna ang pag-isyu ng mga kung ano-anong espekulasyon kahit wala pang matibay na batayang pinanghahawakan.
Excited? Wag kayong atat.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending