Suarez bubuksan ang kampanya ng PH boxers sa Rio
MAGKAIBA ang landas na tatahakin ng mga Pilipinong boxer na sina Rogen Ladon at Charly Suarez matapos ang isinagawang official draw noong Huwebes para sa boxing competitions ng 2016 Rio Olympics.
Nakamit ng 22-anyos na si Ladon, ang ranked No. 5 sa light flyweight division, ang bye kasama ang iba pang seeded na tulad ng top favorite mula Cuba na si reigning world champion Joahnys Argilagos.
Sisimulan ang kompetisyon sa boxing sa Agosto 6 sa Riocentro Convention Center.
Si Ladon, ang silver medalist sa Asian Championships at bronze medalist sa 2015 World Championships, ay mayroong tatlong araw para maghanda sa kanyang unang pagsalang sa Olimpiada.
Haharapin ni Ladon, na mula Bago City, Negros Occidental, sa Agosto 8 ang alinman sa magsasagupa na sina Yurberjen Herney Martinez ng Colombia at Patrick Lourenco ng Brazil.
“Naka-bye tayo sa first round. So, Brazil or Colombia ang unang laban ni Ladon,” sabi ni Philippine boxing team coach Nolito Velasco.
May 22 lahok sa 49 kilogram dibisyon at dahil sa bye ay nangangailangan na lamang si Ladon na ipanalo ang dalawa nitong laban para makatuntong sa semifinals para makasiguro ng tansong medalya.
Sakaling magawa nito ay mapuputol nito ang 20-taong pagkauhaw sa medalya ng Pilipinas sa Olympics at bigyan ng tsansa ang sarili na makatuntong sa finals.
Isang boxer, si light flyweight Mansueto “Onyok” Velasco, ang huling nag-uwi ng Olympic medal para sa bansa na isang pilak noong 1996 Atlanta Olympics.
“Maganda na rin ang draw ni Ladon,” sabi ni Velasco. “At kung makakalaban man natin ‘yung Cuba, sa semis na. May medal by that time.”
Si Suarez, na pinakamatanda sa miyembro ng Philippine team, ay walang rank sa 60-kg division, kaya kailangan niyang harapin ang kasalukuyang European champion na si Joseph Cordina sa Agosto 6.
Ang 27-anyos na si Suarez ay nangangailangan ng tatlong panalo para umabot sa semis at masiguro ang sarili sa medalya sa kanyang unang Olimpiada.
Si Cordina, na mas bata ng tatlong taon, ay haharapin si Suarez ganap na alas-6 ng gabi ng Sabado, o mahigit 24 oras matapos ang opening ceremony.
Dahil sa maaaring abutin ng kalaliman ng gabi ang opening, nagdesisyon si Suarez na hindi na sumama sa parade upang makatipon ng enerhiya para sa laban nito sa susunod na araw.
Sakaling umusad si Suarez sa labanan, posibleng makatapat nito ang Cuban top seed Jorge Lazaro Alvarez sa semifinals ng 60 kg division.
“Mabibigat lahat ang nasa division ni Charly. Pero hindi naman baguhan si Charly,” sabi ni Velasco, na dahil sa dami ng kalahok ay tanging ang top two seeds lamang ang nakakuha ng bye sa opening round.
“Maganda na din makalaban yung magaling para pag nalusutan mo, mas maganda na chance mo. Nasa boxer na yan. Kung sino ang mas preparaado, yun ang lalabasan ng galing,” sabi pa ni Velasco.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.