Sino si Wanda Teo? | Bandera

Sino si Wanda Teo?

Ramon Tulfo - June 21, 2016 - 12:10 AM

NAGPAPASALAMAT ang inyong lingkod sa mga kaibigan at kakilala na nag-congratulate sa akin sa pagkakahirang ng aking kapatid na si Wanda Teo bilang incoming secretary of Tourism.

For the record lang po: Hindi ko nilakad na ma-appoint si Wanda na maging Tourism secretary.

Ni hindi nga nag-apply si Wanda sa puwesto na ibinigay sa kanya.

Pinili siya ni President-elect Digong Duterte dahil matagal na niyang kilala si Wanda na may-ari ng Mt. Apo Tours and Travel Inc.

Malapit na kaibigan din ni Wanda si Honeylet Avancena, na kabiyak ni Digong.

Sa Apo Travel kumukuha si Digong at kanyang mga pamilya ng airline tickets kapag sila’y nagbibiyahe patungong Maynila o ibang lugar.

Matagal nang negosyo ni Wanda ang tours at travel at siya’y president ng asosasyon ng mga independent tours and travel agencies, na naging batayan ng search committee ni Pangulong Digong sa pagpili sa kanya.

Ang totoo niyan, ang aking bayaw na si Bobby Teo, esposo ni Wanda, ang nag-aaplay sa Duterte administration.

Si Bobby ay graduate ng De La Salle University sa Maynila at Asian Institute of Management (AIM).

Dati siyang assistant dean ng College of Graduate Studies sa Ateneo de Davao University.

Si Bobby ay dating naging assistant city administrator ng Davao City Hall.

Pero sa halip na tanggapin si Bobby, si Wanda ang kinuha ni Digong kahit na hindi naman nag-apply.

Nagpapasalamat ang pamilya Tulfo kay Pangulong Digong sa pagkaka-appoint kay Wanda.

Si Wanda ay pang-apat mula sa akin, na siyang panganay sa 10 magkakapatid.

Hindi palaimik si Wanda kumpara sa aking kapatid na si Tuchi na kanyang sinundan.

Si Tuchi ay madaldal at parang phonograph ang bibig, samantalang si Wanda ay tahimik pero mabilis magtrabaho.

Dahil siya’y malumanay magsalita, malaki ang paggalang sa kanya ng mga nakababatang kapatid namin na sina Ben, Bong, Joseph, Raffy, Erwin at Edelle.

Si Wanda ay ipinanganak sa Kidapawan, Cotabato.

Sa iba’t ibang lugar kaming magkakapatid ipinanganak dahil sa ang aming tatay ay opisyal noon ng Philippine Constabulary o PC.

Nagtapos siya ng high school sa Pilar College sa Zamboanga City.

Nagtapos si Wanda ng Bachelor of Science in Business Administration sa St. Theresa’s College sa Maynila.

Bago siya napunta sa negosyong tours and travel, siya’y naging flight attendant ng Philippine Airlines at Air New Guinea.

Noong 1972, sumali si Wanda sa Binibining Pilipinas contest.

Inilahad ko ang tungkol kay Wanda upang malaman ninyo.

Makaaasa kayo na sisikapin ni Wanda na karapat-dapat siya sa ibinigay na tiwala sa kanya ni Digong.

Hindi pa man siya nanunumpa bilang Tourism secretary, hihingan na niya ng payo si Tourism Secretary Ramon Jimenez sa pagpapatakbo ng Department of Tourism.

Sabi ni Wanda, magaling ang pagpapatakbo ni Jimenez ng tourism industry ng bansa kaya’t kokopyahin niya ang mga magagandang proyekto na nagawa ni Jimenez.

Hihingan din niya ng payo ang mga magagaling na naging Tourism secretary gaya ni Sen. Dick Gordon, Joseph Durano, Narzalina Lim at Mina Gabor.

Sinabi ni Wanda sa inyong lingkod na kokopyahin niya ang mga ma-gagandang nagawa ng mga nabanggit na dating Tourism secretary.

Marami siyang ire-retain o ipo-promote sa mga magagaling na mga staff ng Department of Tourism.
Isa sa gagawing undersecretary ni Wanda ay ang datihang director ng isang agency sa DOT, si Shalimar Tamano.

Mapagkumbaba ang aking kapatid na si Wanda kaya’t madali siyang nakakakuha ng mga kaibigan.

Hindi sa pagbubuhat ng kanyang bangko, magaling na lider si Wanda dahil bibihira ang nagbibitiw sa kanyang kumpanya sa Mt. Apo Tours.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pero magda-divest na si Wanda ng kanyang shares sa Mt. Apo upang walang conflict of interest sa kanyang bagong posisyon.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending