Mar kay Duterte: 'Wag mo kaming lokohin, isa kang 'ampaw' | Bandera

Mar kay Duterte: ‘Wag mo kaming lokohin, isa kang ‘ampaw’

Leifbilly Begas - April 13, 2016 - 03:36 PM
TINAWAG na ‘ampaw’ ng presidential candidate ng administrasyon na si Mar Roxas ang kalaban niyang si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.      Sa kanyang pangangampanya sa Misaims Oriental kahapon, sinabi ni Roxas na hindi totoo ang sinasabi ni Duterte na walang krimen sa Davao City dahil taliwas ito sa mga datos ng Davao City Police.      “Huwag mo kaming lokohin, Duterte. Huwag mo kaming linlangin. Puros ampaw ang sinasabi mo. Matapang ka lang sa salita. Hindi mo nga nagawa sa sarili mong lungsod, ipapangako mo sa buong sambayanang Pilipino na magagawa mo ito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan? Ampaw ka,” ani Roxas.      Ayon sa datos ng Davao City Police mula 2010 hanggang 2015 at mayroon ding 1,032 kaso ng pagpatay. Ang siyudad ang may pinakamataas na kaso ng murder.      Ang kaso naman ng rape ay 843 na siyang ikalawang pinakamataas sa bansa. Ang bilang ng homicide cases ay 245 na pangatlo sa buong bansa.      “Hindi po ito gawa-gawa, hindi po ito kathang-isip, hindi po ito pang-iimbenta. Katotohanan po ito. Si Duterte, chairman, peace and order council ng Davao City at ng Davao Region. Kaya itong resulta na ito ay resulta ng kanyang pamumuno bilang peace and order chairman ng Davao City at Davao Region,” dagdag pa ni Roxas.       Nauna ng sinabi ni Duterte na sosolusyunan niya ang krimen ng bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan pagbaba niya sa puwesto.      Samantala, hindi umano dapat na paniwalaan ng publiko ang pagpapanggap ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na siya ay mahirap.      Ayon kay Akbayan Rep. Barry Gutierrez, spokesman ng Team Daang Matuwid, bukod sa pagiging mayaman si Duterte ay bahagi rin ng political dynasty sa Davao City.       “Nakakatawa na umaasta si Mayor Duterte na hindi siya bahagi ng ruling elite. Huwag nating kalimutan na siya ay produkto ng isang political dynasty, at siya mismo ay nagpapalaganap ng kanyang dynasty,” ani Gutierrez.      Sinabi ni Gutierrez na si Duterte ay mula sa mga angkan ng politiko sa Visayas. Ang kanyang ama na si Vicente ay dating gubernador at mayor. Ang kanya namang anak Sara ay tumatakbo naman sa pagka-mayor.      “Tatlong dekada na silang nasa poder sa Davao City, palitan lang ng position na parang pamilya ni Binay. Mayor naman, tama na ang pambobola,” dagdag pa ng solon.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending