Nasawi ang 14-anyos na binatilyo matapos mahawakan ang de-kuryenteng bakod ng isang lupain sa Sorsogon City kmakalawa (Martes), ayon sa pulisya.
Ikinasawi ni Rico Jarabo ang mga boltahe ng kuryenteng dumaloy sa katawan at kinakitaan siya ng mga paso sa leeg at kaliwang balikat, sabi ni Superintendent Nonito Marquez, tagapagsalita ng Sorsogon provincial police.
Naganap ang insidente dakong alas-9:20 ng umaga sa Purok 3, Brgy. Cambulaga.
Namimitas ng santol at Indian mango si Jarabo at dalawang kaibigan nito sa lupaing binabantayan ni Rogelio Aninipot, nang mahawakan niya ang bakod na gawa sa barbed wire, ani Marquez.
Kasunod nito’y nakita na lang ng mga kaibigan si Jarabo na nangingisay.
Lumabas sa imbestigasyon na ang bakod ay naka-konekta sa power outlet ng bahay na tinutulyan ni Aninipot.
Natagpuan ng mga rumespondeng pulis doon ang 29-talampakang kable na nag-uugnay sa bakod at suplay ng kuryente.
Inamin sa pulisya ng 70-anyos na si Aninipot na siya ang nagpadaloy ng kuryente sa bakod, pero sinabing ito’y para lang sa kanyang kaligtasan laban sa mga maaring manloob sa lupain.
Nasa kostudiya ngayon ng Sorsogon City Police ang matanda, na maaring makasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide, ayon kay Marquez.
– end –
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.