Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Rain or Shine vs Meralco
NASISIPAT na ng Rain or Shine ang isang sweep sa paghaharap nila ng Meralco sa Game Three ng 2015 PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinals series mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Narating ng Elasto Painters ang kanilang kinalalagyan matapos na talunin ang Bolts sa Game One (99-86) at Game Two (92-82).
Sa Game Two noong Linggo ay ibinaon ng Rain or Shine ang Meralco sa pamamagitan ng pagpapaulan ng three-point shots matapos na gumawa ang mga bata ni coach Yeng Guiao ng kabuuang 19.
Ang huling tres ay nagmula sa import na si Waye Chism at tumapos ito sa rally ng Meralco sa huling dalawang minuto. Si Chism ay nagtapos lang ng may 11 puntos.
Naglaro ang Rain or Shine nang wala ang pinakamahusay nitong three-point shooter dahil sa may kapansanan si Jeff Chan.
Ang atake ng Elasto Painters ay pinamunuan ni Paul Lee na gumawa ng limang three-pointers. Nagdagdag ng tigatlo sina Jericho Cruz at Jonathan Uyloan.
Hindi nakatulong sa Meralco ang pangyayaring pinilit nitong i-double team si Chism dahil sa palaging nahahanap ng Elasto Painters ang bukas nilang kakampi.
Pinangunahan ni Lee ang Rain or Shine nang may 23 puntos samantalang nagdagdag ng 15 puntos si Cruz at 10 puntos si Chris Tiu upang punan ang pagkukulang ni Chism.
Umaasa si Guiao na kaya ng Elasto Painters na tapusin ang Bolts mamaya dahil ayaw na niyang bigyan ng pagkakataong makabawi ang kalaban. Alam niyang habang tumatagal ang serye ay magkakakumpiyansa ang Bolts at magiging mas mahirap na katunggali.
Kung makukumpleto ng Rain or Shine ang sweep mamaya ay makukuha nito ang unang ticket sa best-of-seven Finals at magkakaroon ng pag-asang makamit ang ikalawang titulo sa prangkisa.
Makakalaban ng Rain or Shine ang manananalo sa kabilang semifinals series sa pagitan ng defending champion Purefoods Star at Talk ‘N Text.
Subalit alam ni Meralco coach Norman Black na may laban pang nalalabi sa kanyang mga bata na ngayon lang nakaabot sa semifinals series. Nais nilang hilahin ang Rain or Shine sa Game Four.
Ang Meralco ay makakuha ng 25 puntos kay Josh Davis sa Game Two. Nagdagdag ng 17 puntos si Gary David at 12 puntos si Reynell Hugnatan. Kailangan nga lang na tumindi rin ang opensa ng ibang Bolts upang magkaroon sila ng tsansang patuloy na mabuhay sa serye.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.