Pepsi na-insecure sa tagumpay ni Sarsi: Kaya ayaw niya sa ‘kin
Trigger Warning: Mention of suicide
PASABOG ang rebelasyon ng dating sexy actress na si Sarsi Emmanuelle tungkol sa kapwa niya Softdrinks Beauty noong dekada 80 na si Pepsi Paloma.
Ibinahagi ni Sarsi ang mga huling sandali na nakasama at nakausap niya si Pepsi bago ito nagpakamatay apat na dekada na ngayon ang nakararaan, sa YouTube vlog ni Julius Babao na “Unplugged.”
Nakasama muli ni Sarsi sa naturang panayam ang dalawa pang Softdrinks Beauty na sina Coca Nicolas at Myra “Mirinda” Manibog na binuo at pinasikat ng yumaong talent manager na si Dr. Rey dela Cruz noong dekada 80.
Rebelasyon ni Sarsi, nakaramdan ng matinding insecurity ang yumaong sexy star sa kanya, partikular na noong dumating ang pagkakataon na mas sikat na siya at mas marami nang pinagbibidahang pelikula.
Baka Bet Mo: Darryl Yap sa Pepsi movie: 2025 ilalabas dahil 40th death anniversary niya
Sa pagkakaalam niya, isa ito sa mga dahilan kung bakit na-depress at nagka-nervous breakdown si Pepsi hanggang sa magpakamatay na nga sa pamamagitan ng pagbibigti noong May 31, 1985.
Sey ni Sarsi sa pagsu-suicide ng aktres, “I know it’s gonna happen kasi a day before, magkasama kami. Sinundo ko yan sa bahay dahil na-confine pa yan.
“Sabi ni Tito Rey, ‘Kunin mo muna si Pepsi. Nalulungkot sa bahay niya. Pakainin mo.’ E, di kinuha ko, pinasundo ko sa driver papunta sa bahay. ‘Dito ka muna,’ ayaw naman niya.
“Dalawang bakanteng kuwarto sa bahay ko, ‘Dito ka muna.’ Hindi, ma-pride (si Pepsi),” aniya.
Nagtanong daw si Pepsi kay Sarsi kung paano siya nagkaroon ng sariling bahay, “Sabi niya, ‘Paano ka nagkabahay?’ Sabi ko, ‘Di ba, may trabaho ako, lagare, tatlu-tatlong pelikula?’
“Hindi niya ako ma-take. Hindi na siya makaupa. May baby pa (ampon ni Pepsi). Gusto kong tulungan. Ayaw niya, ma-pride siya.
“Du’n na pumasok ang insecurities niya. ‘Paano mo ako naunahang nagkapelikula? Paano mo ako naunahang magkabahay?’ Ganoon na ang thinking niya. Iba na, rebel na.
“Parang hindi niya matanggap na pumunta siya sa bahay, maayos ang bahay ko, may mga kuwarto. May mga katulong, may kotse.
“Hindi niya matanggap yun. Yun ang last conversation namin, ‘Paano ka nagkaganito? Paano ka nagkaganoon?’
“Sabi ko, ‘Nagtatrabaho ako. May mga solo gumagawa ako ng sunud-sunod na pelikula. Binabayaran na ako nang malaki. Siyempre, nakakapundar na ako.’
“Hindi niya ma-take yun kaya ayaw niya sa akin. Hindi niya matanggap siguro kung paano ko siya naunahan sa success. Nakita ko at narinig ko talaga. Parang wala na siya sa sarili. Disoriented na,” pagbabahagi pa ni Sarsi.
Kuwento pa ng dating sexy star, ang huling pelikulang pinagsamahan nila ni Pepsi ay “Room 69” na idinirek ni Artemio Marquez.
Lahad pa ni Sarsi sa nangyari kay Pepsi, “I feel so guilty. I don’t mean to be showy. I don’t mean to hurt her. I don’t mean to [make her] envy.
“I don’t mean anything if I… bringing her to my house. I just want to welcome her. I-accommodate ko siya, i-comfort ko siya, dahil nga may ugali siya na ganoon.
“Galing sa sakit pa yan. May sakit siya nung panahon na yin. Wala akong intensiyon na kahit na ano, pero iba na siya.
“May depression na siya that time. She took it very negatively. Hindi niya siguro matanggap kung paano ko siya naunahan…sa success ko,” rebelasyon pa ni Sarsi Emmanuelle.
Sinabihan din daw niya si Pepsi na magdasal at humingi ng guidance sa Diyos, lalo na nu’ng sabihin nito sa kanya na meron nga siyang sakit na nervous breakdown
Ang kontrobersiyal na buhay ni Pepsi ay mapapanood na sa darating na February sa pamamagitan ng bagong pelikula ni Darryl Yap “The Rapists of Pepsi Paloma”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.