HUMARAP sa publiko ang TV host at komedyanteng si Vhong Navarro kahapon mula nang ito ay makuyog ng anim na katao sa isang condominium unit sa Taguig upang itanggi ang mga akusasyon na nanggahasa siya ng 22-anyos na estudyante.
Giit niya biktima siya ng pangingikil. Sa panayam ng “Buzz Ng Bayan” ni Boy Abunda, makikita si Navarro na nakahiga at nakasuot ng hospital gown. Namamaga ang kanyang mukha at mayroon siyang dalawang black eye.
“Grabe. Binaboy nila ako. Tinakot nila ako, pinaratangan na papatayin yung mga anak ko, magulang ko,” ani Navarro.
Sa unang 10 minuto ng panayam, kinunan ilang oras bago ang pagpapalabas nito sa nasabing talk show, ikinuwento ni Navarro ang kanilang engkwentro ng isang Denise Millet Cornejo, na nakilala niya dalawang taon na ang nakararaan.
“First time ulit naming magkita after namin mag-meet two years ago,” aniya sa kanilang pagkikita noong Enero 17. Ayon kay Navarro, uminom sila ng white wine. Inamim niya na mayroong nangyari sa kanila subalit walang naganap na sexual intercourse.
Noong Enero 22 ay muli siyang inimbitahan ni Cornejo. Hindi pa man niya nailalapag ang bitbit niyang pagkain ay isang lalaki ang pumasok at tinutukan siya ng baril.
Ikinuwento ni Navarro na binugbog at binaboy siya ng lalaki at iba pang kasama nito na nagpasukan sa unit. Isiniwalat din niya pwersahan ding ibinaba ng mga lalaki ang kanyang shorts saka kinunan ng video. Idinagdag niya na pinuwersa rin siyang “magkumpisal” na ginahasa niya ang kanyang kaibigan.
Matapos iyon ay dinala siya sa presinto kung saan inakusahan siya ni Cornejo ng panggagahasa. Sa takot na saktan siya at kanyang pamilya, hindi na nagbigay ng kanyang panig si Navarro sa mga pulis.
Sinabi ng grupo, na pinamumunuan umano ng isang Cedric Lee at isang Mike, na ang blotter at ang video ay kanilang mga “proteksyon” sakaling magsumbong sa otoridad ni Navarro.
Idinagdag ng komedyante na bago iyon ay inutusan siya nina Lee at Mike na magbigay ng P1 milyon bilang “damage” kay Cornejo.
Hiniling naman ni Navarro sa mga pulis na dalhin siya sa condominium kung saan nakaparada ang kanyang sasakyan at doon umano kinuha ni Mike ang kanyang numero.
Sa takot ay nangako si Navarro na ipadadala ang napagkasunduang halaga. Hirit naman ng komedyante sa panayam kay Abunda: “Wala akong inagrabyado. Gusto ko ng justice. Gusto kong may magbayad sa ginawa sa akin.”
Nagsisisi rin umano si Navarro sa pangyayari. “Sobra ang kahihiyan pero di ko alam kalalabasan. Basta iniisip ko ngayon dito maging safe mga anak ko,” dagdag niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.