Kim apektado pa rin kay Gerald kaya napikon
Sa isang iglap lang ay nabahiran ng hindi kagandahang kulay ang imahe ni Kim Chiu.
Sayang ang mga panahong nagdaan na nakilala siya ng mga press people sa pagiging mabait, mapagkumbaba at marespeto.
Pero sa minsanang pagkakataon lang, nang hindi niya napigilan ang kanyang emosyon, ay nakilala siyang bigla sa pagiging bastos, pikon at kung ano-ano pang negatibong komento patungkol sa kanyang inasal.
Ang tanong tuloy ng mga nakasaksi sa magaspang niyang pagsagot sa tanong nu’ng mga sandaling ‘yun, may pinagdadaanan ba si Kim, hanggang ngayon ba’y hindi pa rin siya nakaka-move on sa paghihiwalay nila ni Gerald Anderson?
May mga nagpalagay rin na kaya raw napikon si Kim sa tanong ng aming kasamahang si Aster Amoyo tungkol sa tunay na relasyon nila ni Xian Lim ay dahil inis na inis na ang batang aktres, pilit daw kasi siyang iniuugnay kay Xian, samantalang wala naman talaga siyang nararamdaman para sa hunk actor.
Ganu’n? Kung wala, bakit pinupuri-puri pa niya si Xian sa kanyang mga interbyu, kesyo ito lang daw ang nag-iisang kaibigan niya ngayon dahil natatakot na nga siyang makipagkaibigan uli.
Pero mahirap nga namang magpanggap, nabubuking din ‘yun sa takdang panahon, tulad ng nangyari kay Kim na ayon sa mga kasamahan naming nakasaksi sa kanyang pagtataray ay parang inis na inis na talaga kapag si Xian ang itinatanong sa kanya.
Nakapanghihinayang ang imaheng matagal na panahong bitbit ni Kim. Nakilala siya bilang marespetong bata, mapagkumbaba at mabait, pero sa isang iglap lang ay biglang nagbago na ang mundo para sa kanya.
Hindi kinayang manduhan ng dalaga ang kanyang emosyon, nagpadala siya sa agos ng pagkapikon, ngayon tuloy ay mamarkahan na siya ng mga reporters sa ugaling ipinamalas niya sa harap ng maraming manunulat at ng mga taga-produksiyon.
Sayang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.