Comelec sinita si Ian Sia dahil sa bastos joke sa single moms

Comelec sinita si Ian Sia dahil sa bastos joke: ‘Kailangan bumaba sa lebel?!’

Pauline del Rosario - April 04, 2025 - 01:15 PM

Comelec sinita si Ian Sia dahil sa bastos joke: ‘Kailangan bumaba sa level?!’

Congressman candidate Ian Sia

AGAD na umaksyon ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa viral na pambabastos umano ni Atty. Ian Sia, tumatakbong kongresista sa Pasig, laban sa mga single mother.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, nagpalabas na ng show cause order ang Task Force Safe laban kay Sia dahil sa kanyang pahayag kung saan inalok niya ang sarili sa mga single mom, lalo na sa mga “menstruating” o nireregla pa.

“In view of the foregoing, you are hereby ordered to SHOW CAUSE in writing within a non-extendible period of three days from the receipt thereof and to explain why a complaint for election offense and/or petition for disqualification should not be filed against you,” ayon sa show cause order na iniulat ng INQUIRER.

Sinabi pa ng anti-discrimination panel ng Comelec, si Sia ay posibleng lumabag sa Comelec Resolution No. 11116, na ipinagbabawal ang diskriminasyon laban sa mga marginalized sectors gaya ng kababaihan, LGBTQIA+ community (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, and asexual), indigenous peoples, persons living with HIV, at mga may kapansanan.

Baka Bet Mo: Angelu nagbabala sa abogadong tumatakbong mambabatas sa Pasig: Bawal ang bastos!

Sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo, sinabi ni Garcia na nagkakaisa na ang komisyon kung anong aksyon ang dapat gawin hinggil sa naging pahayag ni Sia.

“Bakit kailangan bumaba sa level na ganyan sa pangangampanya?” sey niya sa interview.

Paliwanag niya, “Paano na lang kung may nakapanood at sadyang makapanood na mga bata na sasabihin, ‘OK lang pala na ganyang bastusan na lang tayo pagka nasa entablado.’ Kahit na sabihin nagbibiro ‘yan, hindi ho tamang biro ‘yan.”

Dagdag pa ng Comelec chair, hindi niya pwedeng palampasin ang insidente dahil maaari itong magbunga pa ng mas malulupit na biro sa hinaharap. 

Matatandaang una nang sinabi ng Comelec na ipatutupad nito ang anti-discrimination guidelines tuwing halalan, matapos makatanggap ng mga ulat na may ilang babaeng kandidato at LGBTQ na nakaranas ng harassment.

“Pag pinabayaan natin, para namang walang kwenta ang Comelec kung ‘yung ganyang mga biro lang hahayaan natin…Magjo-joke at magjo-joke na lang ang mga kandidato sa kung kanino, directed sa relihiyon, sa mga may kapansanan, sa mga nakakatanda, directed sa ilang vulnerable sectors,” wika niya.

“‘Wag na po tayo mag eleksyon kung ganyan lang naman. Hindi na election, joke na lang ang ihahalal natin dito,” aniya pa.

Giit ni Garcia, mas nararapat na pag-usapan ng mga kandidato ang mga isyu na may saysay sa halip na umasa sa kabastusan o kababaan ng kampanya.

Magugunitang kumalat sa social media ang hindi magandang biro ni Sia tungkol sa single moms na kanyang inihayag sa isang campaign sortie noong April 2.

Maririnig na sinabi ng kandidato habang pabirong nagsasalita sa entablado: “Ito ho ang ambag ko para sa mga solo parent ng Pasig. Minsan, sa isang taon, ang mga solo parent na babae na nireregla pa at nalulungkot, pwedeng sumiping sa akin.”

“‘Yung mga interesado, magpalista na sa lamesa sa gilid. Biro lang ho, may asawa na ako,” wika pa niya.

Dahil dito, agad na umani ng batikos si Sia  mula sa netizens at ilang opisyal ng lungsod.

Dumepensa naman ang congressman candidate at sinabing hindi dapat gawing isyu ang naging biro niya.

“Sana po sa mga kapwa ko Pasigueño, ang biro ay manatili hong biro. At ang seryosong bagay, huwag mong haluan ng biro,” lahad niya.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pakiusap pa niya, huwag ilihis ang isyu ng halalan: “Ang eleksyon ho ay hindi tungkol sa akin, kundi tungkol po ito sa kinabukasan ng mga Pasigueño.”

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending