Rita Daniela umaasang matitimbog agad si Archie Alemania: Para sa hustisya!

Archie Alemania at Rita Daniela
HILING ng kampo ng Kapuso actress na si Rita Daniela na maaresto agad ang aktor at komedyanteng si Archie Alemania.
Ito’y matapos ang pag-isyu ng warrant of arrest ang laban sa aktor kaugnay ng kasong acts of lasciviousness na isinampa laban sa kanya ni Rita.
Base sa inilabas na order last March 18, ng Bacoor City Municipal Trial Court Branch 2, ipinadadakip si Archie matapos makakita ang korte ng “probable cause to hold the accused for trial.”
“Considering that the accused is at large, let a warrant of arrest be issued against him,” ang bahagi ng court order.
Ayon sa legal counsel ni Rita na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, ang sinumpaang counter-affidavit ni Archie ay isang “mere affirmation” ng kinakaharap niyang reklamo.
Sabi pa ni Atty. Garduque sa panayam ng “24 Oras” kahapon, April 2, umaasa silang agad na madadakip ang suspek upang masimulan na ang hearing ng kaso.
View this post on Instagram
“We hope for the immediate apprehension of the accused so the court can already acquire jurisdiction over his person and for the hearings to be started as soon as possible,” aniya.
“In the end Rita just want to achieve the justice that she deserves,” sabi pa ng abogado sa naturang panayam.
Kapag naaresto na, maaaring magpiyansa si Archie ng P36,000. Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang iniisyung pahayag ang aktor.
Magugunitang nag-ugat ang kaso ni Rita laban sa aktor noong September 9, 2024, matapos dumalo sa thanksgiving party ni Bea Alonzo para sa cast ng “Widows’ War.”
Ayon sa aktres, lasing si Archie nang dumating siya sa party at nagbigay ng nakakabastos na mga pahayag tungkol sa kanya.
Nang pauwi na siya bandang alas-dos y medya ng madaling araw, inalok siya ni Archie na ihatid bilang may sasakyan ito.
Hindi siya pumayag nu’ng una dahil may na-book na siyang Grab, pero ito ay nagpumilit kaya kalaunan ay pinaunlakan na niya ito at kinansela ang Grab ride.
View this post on Instagram
Habang nasa loob ng sasakyan, bigla raw siyang hinawakan ni Archie sa leeg at balikat, at nang makarating sa kanyang bahay, humiling ang aktor ng halik.
Sa kabila ng kanyang pagtanggi, sapilitan umano siyang hinalikan ng aktor. Sa takot at pakiramdam na siya ay sexually violated, nagpumiglas si Rita upang makalabas ng sasakyan.
Kinabukasan, nakatanggap umano siya ng text mula kay Archie na humihingi ng tawad at idinahilan ang kanyang kalasingan.
Samantala, maaalala noong Disyembre ay nagsumite si Archie ng counter-affidavit kaugnay sa inireklamo ni Rita upang itanggi ang ginawang pambabastos at harassment.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.