REVIEW: ‘Liwanag sa Dilim’ walang katulad, winner ang visuals, istorya

PHOTO: Courtesy of 9 Works Theatrical/ Geri Reyes
GRABE, ang taba ng utak ng gumawa!
‘Yan ang naging reaksyon namin matapos mapanood ang “Liwanag sa Dilim,” ang original Pinoy musical na tampok ang mga kanta ng iconic singer-songwriter na si Rico Blanco.
Umpisa pa lang ng show ay talagang makukuha na nila ang atensyon ng audience at habang patagal nang patagal ay talagang tumitindi ang aming pagkamangha sa aming mga nakikita.
Sobrang galing talaga ng ginawa sa “Liwanag sa Dilim” – mula sa konsepto, produksyon, cast, mga ginamit na kanta, lalong-lalo na ang visual effects na babandera sa stage…as in WOW talaga!
Sa direksyon ni Robbie Guevara at tampok ang mga kanta ng OPM legend, siguradong dadalhin ka nito sa isang kakaibang experience na talagang magpapasabog ng imahinasyon at damdamin.
Baka Bet Mo: Rita, Alexa todo paghahanda para sa musical play na ‘Liwanag sa Dilim’
Mula umpisa hanggang dulo, nakakabilib ang mga visual effect at transitions na ipinakita nang LIVE sa entablado!
Hindi namin naisip na posible itong gawin sa isang teatro.
Ang bawat eksena ay parang isang cinematic masterpiece na nabubuhay sa harap ng mga mata mo.
Bukod sa kakaibang production, kahanga-hanga rin ang daloy ng kwento.
Napaka-natural ng pagsasalaysay –walang pilit, walang patay na eksena.
Bukod diyan, puno rin ito ng aral, inspirasyon, at emosyon na talagang nakaka-relate sa maraming tao.
Napaka-epic din ng musika na kung saan ay talagang maganda at angkop ang pagkakasunod-sunod nila.
Sakto sa bawat eksena, kaya naman tiyak na hindi ninyo mapipigilang sumabay at mapakanta!
Hindi lang siya basta jukebox musical—may lalim at bagong buhay ang bawat awitin, lalo na’t isinama nila ang remix at theatrical transitions para sa mas matinding impact.
Syempre, hindi magiging ganito ka-powerful ang “Liwanag sa Dilim” kung hindi rin dahil sa mga magagaling na artista.
Ang mga bida sa aming napanood ay sina Anthony Rosaldo, CJ Navato, at Nicole Omillo.
Hindi lang sila basta umarte at kumanta, ipinaramdam din nila ang bigat at lalim ng bawat linya nila.
Ang kapalitan nila sa kanilang role ay sina Khalil Ramos, Vien King, at Alexa Ilacad.
Ang ilan pang cast na nagbigay buhay sa kwento ay sina Rita Daniela, Neomi Gonzales, Arnel Carrion, Boo Gabunada, at marami pang iba.
Ang kwento ay iikot kay Elesi na isang ulilang naghahanap ng katotohanan sa kanyang nakaraan.
Makakasama niya riyan ang kanyang matalik na kaibigang si Cris at sabay na susuong sa laban para sa katarungan.
At sa gitna ng kanilang paglalakbay, isang matinding koneksyon ang mabubuo hindi lang sa isa’t-isa kundi pati sa mga taong huhubog sa kanilang kapalaran.
Sa kabuuan, ang “Liwanag sa Dilim” ay isang musical na hindi mo pwedeng palampasin!
Star-studded, visually stunning, at emotionally gripping –lahat ng hinahanap mo sa isang world-class na theater experience.
Showing ito tuwing weekends 3:00 p.m. at 8:00 p.m., pati na rin tuwing Biyernes 8:00 p.m. sa CPR Auditorium, RCBC Plaza, Makati City.
Siguraduhing may ticket ka na sa Ticket2Me via https://ticket2me.net/
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.