Nora Aunor umamin kung bakit biglang umurong sa Eleksyon 2025
NAGPALIWANAG ang National Artist at Superstar na si Nora Aunor kung bakit bigla siyang umatras sa magaganap na midterm elections sa May, 2025.
Kumalas ang movie at TV icon sa People’s Champ Guardians party-list para suportahan ang isa pang grupong tatakbo ngayong eleksyon, ang Kabayan.
Dating second nominee ng People’s Champ Guardians si Ate Guy at kung makakakuha sila ng kinakailangang porsiyento ng boto ay pwede siyang umupo bilang kongresista sa House of Congress.
Tatlong upuan sa Kamara ang pwedeng masungkit ng isang partylist kung makakakuha sila ng sapat na dami ng boto.
Baka Bet Mo: Nora Aunor biglang umatras sa Eleksyon 2025, lumipat sa ibang partylist
Ayon sa Superstar, mas gusto na lamang niyang suportahan ang partylist na Kabayan kesa maghangad ng posisyon sa Kongreso.
Nakakuha ang BANDERA ng official statement ni Ate Guy kung saan ipinaliwanag niya ang kanyang mga rason sa pag-atras sa partylist. Narito ang buong pahayag ng nag-iisang Superstar.
“Mga minamahal kong kababayan. Nais kong iparating sa inyong lahat na ako ay nagwithdraw na bilang pangalawang nominado sa People’s Champ Partylist sa mga sumusunod na kadahilanan:
“Unang-una tinanggap ko ang nominasyon bilang pangalawang nominee dahil sa aking paniniwala na kaisa ko sila ng adhikain at layunin ngunit habang dumaraan ang mga araw ay napagtanto ko na magkaiba pala.
“Pinaalalahanan din ako ng aking mga doktor na umiwas sa stressful situation kagaya ng pangangampanya; Nawala na rin ang aking tiwala sa tao na nagkumbinse sa akin na sumali bilang pangalawang nominado.
“Wala ring malinaw na pag-uusap tungkol sa papel na aking gagampanan sa pamamahala ng partylist.
“At dahil dito ako ay nagpasya ng mag-withdraw sa aking kandidatura.
“Kahit umatras ako bilang kandidato, ako ay mananatiling committed at ipagpapatuloy ko ang aking adhikain na tumulong sa mga mahihirap lalong-lalo na sa mga kasamahan ko sa insdustriyang aking ginagalawan.
“Maraming salamat po at nawa ay patuloy tayong patnubayan ng Poong Maykapal,” pagbabahagi pa ni Nora Aunor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.