Nora Aunor biglang umatras sa Eleksyon 2025, lumipat sa ibang partylist
BIGLANG nag-backout ang National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor bilang nominee sa isang partylist para sa darating na May. 2025 elections.
Kumalas ang movie at TV icon sa People’s Champ Guardians party-list para suportahan ang isa pang grupong tumatakbo sa halalan, ang Kabayan.
Dating second nominee ng People’s Champ Guardians si Ate Guy at kung makakakuha sila ng kinakailangang porsiyento ng boto ay pwede siyang umupo bilang kongresista sa House of Congress.
Tatlong upuan sa Kamara ang pwedeng makuha ng isang partylist kung makakakuha sila ng sapat na dami ng boto.
Baka Bet Mo: Nora Aunor bida sa ‘Mananambal’, ilang pelikula may bagong rating mula sa MTRCB
Ayon sa Superstar, mas gusto na lamang niyang suportahan ang partylist na Kabayan kesa maghangad ng posisyon sa Kongreso
“Imbes na maghanap pa ng posisyon, mas pinili kong suportahan ang subok na sa tunay na serbisyo sa bayan, at ito ay ang Kabayan Partylist,” pahayag ni Ate Guy.
Nagpasalamat naman ang naturang party-list sa pagsuporta sa kanila ng premyadong aktres.
“Malugod na tinatanggap ng Kabayan Partylist ang suporta ni Superstar at Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Broadcast Arts na si Nora Aunor matapos siyang umatras bilang ikalawang nominee ng People’s Champ Guardians partylist,” pahayag ng Kabayan.
“Matagal nang inspirasyon si Ms. Aunor ng maraming Pilipino, hindi lang sa kanyang husay sa sining kundi pati sa kanyang malasakit sa kapwa, lalo na sa mga mahihirap, manggagawa at kapwa artista.
“Ang kanyang pagsuporta sa Kabayan partylist ay sumasalamin sa kanilang iisang adhikain, ang isulong ang kapakanan ng mga nasa laylayan at tiyaking maproteksyonan ang kanilang karapatan.
“Lubos naming ikinararangal ang pagsuportang ito mula kay Ms. Nora Aunor, isang natatanging Pilipino na nagbigay-inspirasyon sa maraming kababayan natin,” sabi ng grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.