3rd eye ni Ryza Cenon bukas na bukas; Heaven Peralejo maninindak sa ‘Lilim’

Mikael Red, Ryza Cenon at Heaven Peralejo
BUKAS na bukas pa rin hanggang ngayon ang third eye ng aktres na si Ryza Cenon kaya patuloy siyang nakakakita ng iba’t ibang nilalang at elemento sa paligid.
Iyan ang naging revelation ni Ryza sa naganap na grand mediacon ng pinakabagong horror-suspense movie ng Viva Films, ang “Lilim” na pinagbibidahan ni Heaven Peralejo.
Kuwento ng aktres, open pa rin until now ang taglay niyang “ikatlong mata” kaya hindi lamang siya nakakaramdam ng mga ispiritu at iba pang hindi maipaliwanag na mga elemento sa iba’t ibang lugar
Ani Ryza, sa tuwing magsu-shooting siya sa mga lugar tulad sa Makiling na matatagpuan sa pagitan ng Laguna at Batanga, kung saan kinunan ang “Lilim”, ay palagi siyang nagdarasal at nagpapasintabi.
Dagdag ng aktres, ini-explain din niya sa mga nakakasama niya sa trabaho na dapat laging magbigay-galang at respeto sa mga lugar na may naninirahang ibang nilalang para hindi sila magambala.
“Basta huwag lang magkakalat o gagawa ng mga bagay na hindi nila magugustuhan. Siyempre ayaw nilang binabastos o binababoy yung kanilang mga lugar,” sey ng aktres.
View this post on Instagram
Naibahagi rin ni Ryza ang tungkol sa isang painting na ginawa niya na kinailangan niyang itapon dahil nakararamdam daw siya ng kilabot sa tuwing mapapadaan siya dito.
Sa isang panayam naman namin kay Ryza ay naikuwento niya ang pinakamatinding nangyari sa kanya habang natutulog – ang pagsipa raw sa ilalim ng kama niya ng isang bata na tila ayaw siyang patulugin.
“May isang bata, hinila na ‘yung buhok ko, tumakbo siya. Mga ganu’n. Tapos, ang ginawa ko na lang, sa sobrang gusto ko na talagang matulog, kinausap ko sila.
“Sumigaw ako na ‘pwede ba, magpatulog naman kayo? Pagod na pagod na ako.’ And then after that, tumahimik na sila,” pag-alala pa ni Ryza.
Samantala, nagbabalik ang direktor ng top-grossing Filipino horror film na “Deleter” na si Mikhail Red, sa big screen para sa kanyang panibagong horror masterpiece na “Lilim.”
Pinagbibidahan ito ni Heaven Peralejo, ang National Winner for Best Actress sa 2023 Asian Academy Creative Awards.
Isang official selection sa 54th International Film Festival Rotterdam, ang ‘Lilim’ ay tungkol sa dalawang magkapatid na makakahanap ng kanlungan sa isang ampunan na maglalagay sa kanila sa panganib.
View this post on Instagram
Handa nang ipakita ni Red ang isang bagong klase ng katatakutan sa “Lilim,” na mapapanood na sa mga sinehan sa buong bansa simula sa March 12, 2025.
Iikot ang kwento ng movie kay Issa na tumakas kasama ang nakababatang kapatid na si Tomas, matapos niyang mapatay ang kanilang mapang-abusong ama para ipagtanggol ang sarili at ang kapatid.
Habang tinutugis ng mga awtoridad, manunuluyan ang magkapatid sa Helping Hands, isang liblib na ampunan na pinapatakbo ng mga misteryosong madre. Bagamat sinasabing itinayo ang ampunan sa isang milagrosong lugar, isang babala ang binitiwan ng pinuno: ang lugar ay maraming itinatagong sikreto.
Sinusubukan nina Issa at Tomas na makibagay sa kanilang bagong tahanan, pero unti-unti nilang mapagtatanto na may mali sa lugar— may madidiskubre silang mga kakaibang gawain ng kulto, at tila ang mga madre ay malayong-malayo sa pagiging banal.
Habang pinoprotektahan ni Issa ang kapatid, mas lalong lumalakas ang masasamang puwersa sa loob ng ampunan. Magiging susunod na biktima nga ba ng ampunan ang magkapatid? Tila may gustong sabihin sa kanila ang lugar: “hell is a place on earth.” (Ang impyerno ay nandito sa lupa.)
Ibinahagi ni Red ang naging inspirasyon niya sa pagbuo sa “Lilim,” “I wanted to make a film about a hidden society sheltering from the encroaching oppression of the times, only to collapse and fall victim to their own beliefs, a society shackled by fear and by fanaticism, mirroring the very world it tries to escape.
“It is also my first horror film seen through the eyes of children,” ang pagbabahagi ni Red sa US publication na Variety.
Ginagampanan ni Heaven ang papel ni Issa, na nagsisilbing unang major role ng aktres sa horror genre. Kasama rin niya ang ilan sa mga batikan at bagong henerasyon ng mga aktor sa industriya.
Ang batikang aktres na si Eula Valdez, na nakatrabaho na ni Red sa “Neomanila” at “Nokturno,” ay may mahalagang pagganap bilang pinuno ng ampunan, si Marga.
Si Mon Confiado ay gaganap bilang isang imbestigador na sinusundan ang magkapatid, habang ang batang aktor na si Skywalker David ay may breakthrough performance sa kanyang kauna-unahang pelikula bilang si Tomas.
Samantala, isang “twisted scene” mula kay Ryza, na gaganap na isang madre, ang sabik na si Red na makita ng mga manonood. Nagpa-shave din siya ng kanyang buhok dahil sa kanyang dedikasyon sa karakter.
Malapit nang maranasan ng Filipino viewers ang nakakasindak na misteryo ng “Lilim”. Palabas na sa mga sinehan sa buong bansa simula March 12.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.