Ara Mina kumpiyansang hindi magagalit si Vic Sotto sa kanya dahil sa politika

Vic Sotto at Ara Mina
MARAMI ang nagkokomento na baka raw magalit si Vic Sotto at anak nitong si Vico Sotto kay Ara Mina dahil sa kalaban siya nakitiket ngayong May, 2025 elections.
Tatakbong konsehal sa District 2 ng Pasig City ang aktres at negosyante sa ilalim ng partido ni Pasig mayoralty aspirant Sarah Discaya, isa sa mga makakalaban ni Vico sa pagka-alkalde ng siyudad.
Sa panayam ng ilang miyembro ng entertainment media kay Ara kamakailan, natanong sa kanya ang tungkol dito lalo pa nga’t magkaibigan din sila ni Bossing Vic.
Sey ni Ara, aniniwala siya na walang isyu sa mag-amang Vic at Vico ang pagsama niya sa ticket ni Discaya. Kung kilala raw niya ang TV host-comedian, hindi siya yung tipong mamemersonal nang dahil sa politika.
Ayon sa premyadong aktres, nakatrabaho na niya si Bossing sa 2003 movie na “Fantastic Man” kung saan siya ang naging leading lady ng veteran at iconic comedian.
“Knowing Bossing, matalinong tao siya hindi para magkaroon ng gan’ung problema. May kanya-kanya naman tayong preference and kanya-kanyang journey.
View this post on Instagram
“I don’t think sasama ang loob ni Bossing sa gan’un,” sey ni Ara.
Inamin din niya na hindi niya personal na kilala si Vico kaya wala siyang masyadong masasabi tungkol sa binatang mayor.
Nauna rito, sinabi ni Ara na idi-delay muna nila ng kanyang asawang si Dave Almarinez ang planong pagbubuntis ngayong 2025.
Kuwento ni Ara, nagulat nga raw ang kanyang asawa sa kanyang desisyon na ipagpaliban muna ang plano nilang mag-baby.
Hindi raw kasi in-expect ni Dave na sasabak na ngayong 2025 elections ang asawa. Ngunit suportado naman nito ng 100 percent ang pagpasok ni Ara sa public service.
Katwiran ni Ara, puwede naman daw siyang magbuntis sa kalagitnaan ng kanyang political career sakaling manalo sa tatakbuhing posisyon.
Feeling ng premyadong aktres, ito na ang calling at destiny niya lalo pa’t nasa dugo naman talaga niya ang pagseserbisyo sa publiko dahil ang kanyang lolo at biological father na sina Mel Mathay at Chuck Mathay respectively ay nagsilbi bilang public servants sa Quezon City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.