Ara Mina atras muna sa pagbubuntis; Sarah Discaya tuloy ang laban

Ara Mina, Dave Almarinez at Sarah Discaya
IDI-DELAY muna ng actress-singer na si Ara Mina at ng kanyang asawang si Dave Almarinez ang plano nilang pagbubuntis ngayong 2025.
Ito ang rebelasyon ni Ara nang humarap siya sa ilang miyembro ng entertainment media kamakalawa, March 17, kung saan ibinandera nga niya ang pagtakbong konsehal sa District 2 ng Pasig City.
Kasama niyang nakipagchikahan sa press ang kanyang katiket na ang negosyanteng si Sara Discaya na tumatakbo namang Mayor sa Pasig City.
Kuwento ni Ara, nagulat nga raw ang kanyang asawa sa kanyang desisyon na ipagpaliban muna ang plano nilang mag-baby.
Hindi raw kasi in-expect ni Dave na sasabak na ngayong 2025 elections ang asawa. Ngunit suportado naman nito ng 100 percent ang pagpasok ni Ara sa public service.
View this post on Instagram
Katwiran ni Ara, puwede naman daw siyang magbuntis sa kalagitnaan ng kanyang political career sakaling manalo sa tatakbuhing posisyon.
Feeling ng premyadong aktres, ito na ang calling at destiny niya lalo pa’t nasa dugo naman talaga niya ang pagseserbisyo sa publiko dahil ang kanyang lolo at biological father na sina Mel Mathay at Chuck Mathay respectively ay nagsilbi bilang public servants sa Quezon City.
In fairness naman kay Ara, isa talaga siya sa mga celebrities na tumutulong sa mga nangangailangan, kabilang na riyan ang mga taga-showbiz at mga miyembro ng media.
Hanggang ngayon ay tinutulungan pa rin niya ang veteran actress na si Deborah Sun na pinatira niya nang libre sa isa niyang condo unit kasama ang pamilya nito. Bukod pa iyan sa ibinibigay niyang assistance para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Ngunit sey ni Ara, hindi sapat ang kanyang pinansiyal na kakayahan para matulungan ang lahat na may pangangailangan. Sumusulat pa raw siya sa mga kilala niyang nasa gobyerno para makapag-abot ng tulong.
Naniniwala ang aktres na kapag nagkaroon siya ng posisyon sa gobyerno ay mas marami pa siyang matutulungan.
Samantala, ipinakilala nga ni Ara sa entertainment press si Sarah Discaya na aniya’y malaki ang maitutulong sa kanyang mga adbokasiya at plano para sa kanilang distrito. Si Sarah na mas kilala sa Pasig bilang si Ate Sarah ang may-ari ng St. Gerrad Construction.
Nagkakilala sina Ara at Sarah sa isang medical mission ng St. Gerrard Construction Charity Foundation na pinamumunuan ng tumatakbong alkalde. Si Sarah raw ang humikayat kay Ara na pasukin na ang politika.
“Hindi naman ako um-oo agad. Alam ni Ate Sarah ‘yun. Kasi sabi ko magdadasal pa ako. Asking for a sign. Kakausapin ko pa ang pamilya ko, so, mga three months akong nagdasal bago ako nakabalik sa kanya (Sarah) para mag-decide to run.”
Ano naman ang masasabi ni Sarah sa makakalaban niya sa pagka-mayor ng Pasig na si Vico Sotto? “Alam ko po pader ang babanggain natin pero kung mas maganda po ang hangarin para sa taong bayan, may gabay po tayo diyan.”
Isa raw sa mga pangarap niya ay mabigyan ng magandang health services ang mga taga-Pasig. Sa ngayon, nagpapatayo na siya ng isang first class hospital na magiging libre para sa mga mahihirap na mamamayan.
“Kung ako po ay nakatulong, wala pa po ‘yun sa kalahati ng mga naitulong ni Ate Sarah sa ibang tao,” aniya pa.
By the way, nabanggit ni Ara na nangako na ang kanyang kapatid na si Cristine Reyes na tutulong sa kanyang kampanya pati na ang kaibigan niyang si Piolo Pascual.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.