Nanay tips ni Ryza para sa mga nagta-tantrums na baby: Hayaan n’yo muna, wag natin silang pagalitan, pagsabihan o sigawan
MULING nagbahagi ang Kapamilya actress at first time nanay na si Ryza Cenon ng ilang detalye tungkol sa kanyang parenting journey sa panganay na anak na si Night.
Ipinanganak ng celebrity mommy si Baby Night noong November, 2020 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic kaya talagang ibang klase rin ang kanyang pinagdaanan bilang ina.
Kung matindi ang naging epekto ng pandemya sa buong mundo, may ilan pa ring positibong bagay ang nangyari sa buhay ni Ryza, lalo na sa pagiging nanay — nakapag-focus daw kasi siya talaga sa pag-aalaga kay Night.
Sa kanyang Instagram page last June 28, nag-post si Ryza ng mensahe patungkol sa iba’t ibang pagsubok na pinagdaraanan niya pati na ang sakripisyong kailangan niyang gawin para sa kapakanan nk Baby Night.
Pahayag ng aktres, “Marunong na ba mag tantrums ang baby nyo?
“Si Night.. yes! Kaninang madaling araw bigla siyang nag tantrums ayaw mag pahawak, iyak ng iyak siguro kasi hindi nya mahanap yung tamang position niya.
“Madalas kasi niyayakap ko siya kapag nag tatantrums siya kanina ayaw niya ng hug ko. So ang sabi ko sa kanya, ‘Night kay dada ka mag pahug kapag kailangan mo na.’
“Yung yayakapin na siya ni Dada ayaw niya, gumapang siya papunta sa ’kin tapos iyak pa rin ng iyak. Si Dada sasabihan niya dapat si Night pero pinigilan ko.
“Tapos kinausap ko ng mahinahon si Night, kinuha ko…niyakap ko tapos tinanong ko sya anong problema?
View this post on Instagram
“Habang hinihimas ko yung likod nya…iyak lang ng iyak hanggang sa kumakalma na siya tapos sabi hug lang mommy kapag ganyan nararamdaman mo. Ok lang yan.
“Nagplay ako ng classical music, yung laging nyang pinakikinggan kapag mag sleep na siya. Hinihimas ko pa rin likod nya hanggang sa nakatulog na siya,” lahad ni Ryza.
Para naman sa lahat ng tulad niyang first-time moms, nag-share rin siya ng tips kung ano ang gagawin sakaling mag-tantrums ang mga anak.
“Tips sa mga parents, kung nag tatantrums ang mga babies niyo… hayaan niyo muna sila, bigyan niyo ng space. Wag natin sabayan yung tantrums nila.
“Meaning wag natin silang pagalitan, pagsabihan, o sigawan. Kasi mga bata pa sila hindi pa rin nila naiintindihan yung nararamdaman nila. Ngayon pa lang nila na didiscover yung feelings or emotions nila.
“Kaya dapat kausapin natin sila ng mahinahon, tanungin natin kung ano kailangan nila o ano problema. Then explain ng maayos para mas maintindihan nila.
“At para na rin madala nila paglaki nila na kapag may mali or iba silang nararadaman, agad silang lalapit sa inyo para i-open kung ano man yung pinagdadaanan nila.
“Minsan kasi kaya nagtatago ng nararamdaman yung mga anak natin dahil natatakot sila na mapagalitan.
“Kaya matuto tayo maging mahinahon sa bawat sitwasyon pagdating sa mga anak natin,” pahayag pa ni Ryza.
Magdadalawang-taon na si Night sa darating na November. Siya ay anak ni Ryza sa kanyang partner na si Miguel Antonio Cruz na isang cinematographer.
https://bandera.inquirer.net/316238/ryza-cenon-araw-araw-natatakot-bilang-ina-ni-night-may-time-nahulog-siya-sa-kama-umiiyak-din-ako-tapos-sorry-ako-nang-sorry-sa-kanya
https://bandera.inquirer.net/311696/babala-ni-ryza-cenon-sa-mga-mahilig-magbiro-dont-do-bad-pranks-huwag-mam-bully-ng-kapwa
https://bandera.inquirer.net/313883/ryza-cenon-sa-pagiging-ina-matutulala-ka-na-lang-sa-pagod
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.