Regine hindi kinakaya ang ‘migraine’, inuuntog at nilulubog sa tubig ang ulo

PHOTO: Instagram/@reginevalcasid
NAPA-THROWBACK si Asia’s Songbird Regine Velasquez sa panahong dumanas siya ng matinding migraine na tumagal ng isang buwan.
Sa sobrang sakit, napilitan siyang iuntog ang ulo at ilubog ito sa tubig para lamang mapigilan ang matinding kirot.
Ayon sa Mayo Clinic, ang migraine ay isang uri ng sakit ng ulo na nagdudulot ng matinding kirot o pag-pintig sa isang bahagi ng ulo.
Sa panayam ni Ogie Diaz noong January 29, ibinahagi ni Regine ang kanyang karanasan matapos tanungin ng showbiz reporter kung totoo ang mga lumabas na write-ups noon na inuuntog niya ang ulo sa pader.
Baka Bet Mo: Regine Velasquez sa pagiging breadwinner: Hindi ‘yon forever
“I suffer from migraine. It started ‘nung mga 35 years old ako,” pag-amin ng singer.
Kwento niya, “Mataas ‘yung tolerance ko for pain, but I have never felt anything like that.”
Inilarawan din ni Regine ang tindi ng sakit na kanyang naranasan: “‘Yung parang luluwa ‘yung mata mo, parang matatanggal lahat ng ngipin mo, ‘yung buong [ulo] mo masakit. ‘Yung araw, kahit nakapikit ka masakit siya; ‘yung sa sound.”
Ayon sa Asia’s Songbird, nangyari ito bago siya mag-menopause halos dalawang taon na ang nakalipas.
“Imagine mo, every single day meron kang extreme pain. ‘Di ba gusto mong tumalon sa bangin? For the pain to stop, ginagano’n ko ‘yung ulo ko, nilulublob ko sa tubig ‘yung ulo ko,” kwento niya habang ginagaya kung paano niya inuntog ang sarili noong panahong iyon.
Dagdag niya, “Walang painkiller na gumagana…Ako sinasaksakan na ako ng pain reliever pero wala.”
“Nasisira na ‘yung ulo ko. Sumisigaw na talaga ako sa asawa ko (Ogie Alcasid), ‘Hon, make it stop. Make it stop. It’s so painful’,” chika niya.
ibinunyag din ng singer na kinailangan niyang sumailalim sa magnetic resonance imaging (MRI) taon-taon para matiyak na wala siyang aneurysm.
Dumating pa raw sa puntong dinala siya sa emergency room dahil namaga na ang mga ugat sa kanyang ulo dulot ng linggo-linggong migraine.
Bandang huli ay inilahad ng singer ang kanyang panghihinayang sa mga taong hindi naiintindihan ang ganitong uri ng sakit at inaakalang “drama” lamang ito.
“For people na hindi nakakaranas ng gano’ng pain, you can say that. Pero ‘pag naranasan niyo, maiintindihan niyo kung bakit,” sambit ni Regine.
Ani pa niya, “Debilitating talaga.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.