Robin Padilla walang hininging pera kay Duterte: Hindi po ako bayad!

Bong Go, Rodrigo Duterte at Robin Padilla (Photo from Facebook)
“ANG pamamahal ko kay Digong ay galing sa puso ko, hindi galing po sa interes,” ang pahayag ni Sen. Robin Padilla patungkol sa dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Muling ibinandera ng aktor at politiko sa publiko ang pagmamahal at pagsuporta niya kay Duterte na naka-detain ngayon sa pasilidad ng International Criminal Court o ICC sa The Netherlands.
Inalala ni Robin ang pagkakaloob sa kanya ng former President ng “absolute pardon” noong 2016, sa pagdiriwang nito ng 80th birthday nitong nagdaang March 28.
Ayon sa asawa ni Mariel Rodriguez, dito raw niya napatunayan ang pagiging “tunay na maginoo” ng dating pangulo kaya naman hanggang ngayon ay ipinakikita at ipinararamdam niya ang pagmamahal kay Duterte.
Sa speech ni Robin sa pagtitipon ng mga OFW supporters ni Duterte sa The Hague, Netherlands para sa birthday nito, sinabi niyang hindi siya bayad o humingi ng kapalit nang ikampanya niya ito bilang presidente noong 2016 elections.
“Wala po ako hininging pera kahit kanino. Hindi ako bayad. Gastos ko po lahat. Yung mga pinagpagawa ko ng t-shirt, pagbili ko ng ticket, hotel, lahat po ‘yan gastos ko.
View this post on Instagram
“At noong nanalo po si Digong, wala po akong hininging kapalit. Wala po kayong narinig na ako ay ipinuwesto sa gobyerno. Wala po, na ako’y may hininging kontrata.
“Ang pamamahal ko kay Digong ay galing sa puso ko, hindi po galing sa interes,” aniya.
Kasunod nito, binalikan nga ng senador yung araw na ipinagkaloob sa kanya ni Duterte ang pinakaaasam na “absolute pardon.”
“Ang sabi ni Digong, kailangan mong magkaroon ng pangalawang buhay. Pangalawang tsansa, kasi alam n’yo naman, ex-convict po tayo. Nakulong po ako, tatlong taon at kalahati. Kaya nararamdaman ko po kung ano yung nararamdaman ni Digong.
“Maraming mga kasamahan po nagtatanong sa akin, bakit ba masyado kang apektado? Kasi naramdaman kong mangulungan.
“Alam ko ang pakiramdam ngayon ni Digong. Na birthday mo, nag-iisa ka. Nasa malamig na lugar. Iniisip niya paano niya makikita ang kanyang pamilya,” pagbabahagi pa ni Robin.
Dagdag pa niya, “Hindi po yun naibigay ng ibang pangulong pinagsilbihan ko (absolute pardon). Meron din naman po akong mga ibang pangulo na pinagsilbihan, tulad nina Fidel Ramos, Gloria Macapagal-Arroyo, lahat po ‘yan pinagsilbihan ko.
“Pero si Digong lang po ang nakaisip na bigyan ako ng absolute pardon,” ayon pa kay Robin na nakulong noong 1994 dahil sa kasong illegal possession of firearms.
Sa ngayon ay nananatili pa rin sa kustodiya ng ICC sa The Hague si Duterte at naghihintay ng susunod na bahagi ng paglilitis kaugnay ng mga nagawa niya umanong “crimes against humanity” dahil sa ipinatupad niyang “Oplan Tokhang.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.