SHOWBIZ 2025: Pak na wish kina Daniel, Kathryn, Alden, Maris at Anthony
WELCOME 2025! Happy New Year! Yes, mga ka-BANDERA bagong taon na kaya bagong buhay na rin tayo!
Naging makulay, maingay at maiskandalo ang mundo ng showbiz nitong nagdaang taon dahil sa mga pasabog at paandar ng mga sikat na celebrity at kilalang personality.
Baka Bet Mo: Yearend 2024: Top 12 nakakalokang pasabog na chika ng BANDERA
Naglista kami ng ilang artistang naging headline, nag-viral at pinagpiyestahan ng mga Marites last year kalakip ang wish ng BANDERA para sa kanila sa pagpasok at paghataw ng 2025.
DANIEL PADILLA
Ipinagdarasal at hinihiling namin sa pagpasok ng Bagong Taon na sana’y makabawi nga si DJ sa kanyang pagbabalik-telebisyon sa pamamagitan ng upcoming Kapamilya series na “Incognito” kasama sina Ian Veneracion at Richard Gutierrez.
Deserve naman siguro niya ang mabigyan ng second chance. Basta ang mahalaga, knows na ni Daniel kung ano ang mga naging pagkukulang at kasalanan niya sa mga taong nasaktan niya nitong mga nagdaang taon.
Sa mga nagwi-wish na magkabalikan sila ni Kathryn, let’s wait and see na lang kung mabibigyan pa sila ng second chance.
MARIS RACAL
Sigurado kaming marami pa rin ang nagagalit at sumusumpa kay Maris dahil sa ginawa nilang panloloko ni Anthony Jennings kay Jam Villanueva. Pero tulad nga ng sinabi niya sa kanyang public apology, biktima rin siya ng sitwasyon at hindi naman siya masamang tao.
Naniniwala kami na makakabangon at makakabawi pa rin si Maris ngayong 2025 dahil talentado naman ang aktres at pinagsisihan na niya ang nagawang kasalanan kasabay ng pangakong mas magiging mabuting tao matapos ang kinasangkutang iskandalo.
ANTHONY JENNINGS
Maganda at positibo ang naging pagtanggap ng publiko sa pagso-sorry ni Anthony sa ginawang panloloko niya sa ka-loveteam na si Maris Racal at ex-girlfriend na si Jam Villanueva.
Kaya naman agree kami sa komento ng karamihan na may babalikan pa ring career ang binata sa mundo ng showbiz sa kabila ng cheating issue na ibinabato sa kanya. Magaling na aktor si Anthony kaya sayang kung tuluyan na nga siyang buburuhin ng ABS-CBN.
Basta Anthony, beke nemen…wala nang tuhugan sa 2025, ha!
BEA ALONZO
Sabi nila, malas daw talaga si Bea sa lalaki dahil ilang beses na siyang naboldyak sa pakikipagrelasyon. Imagine, engaged na sila ni Dominic Roque, pero bigla pang naghiwalay!?
Kaya wish namin sa Kapuso actress, matagpuan na niya ang taong tunay na magmamahal sa kanya ng pang-forever! Kung hindi man ngayong 2025, baka sa 2026 o 2027…basta kahit abutin pa yan ng sobrang tagal basta dumating lang ang kanyang Mr. Right!
ALDEN RICHARDS
Palaging sinasahi ng Asia’s Multimedia Star na ready na siyang magkadyowa anytime pero hanggang ngayon ay nananatili pa rin siyang single.
Siguradong halos lahat ng mga nagmamahal sa Kapuso superstar ay nagdarasal na matagpuan na niya ang babaeng pakakasalan at makakasama niya habangbuhay. Abang-abang na lang tayo kung si Kathryn Bernardo na ang itinadhana para sa kanya.
KATHRYN BERNARDO
Tulad ng kanta ng ex-boyfriend niyang si Daniel Padilla, na kay Kath na nga ngayon ang lahat! Bukod sa happy life, bonggang-bongga pa rin ang kanyang showbiz career bilang certified superstar sa kanyang henerasyon.
Sure na sure kami na magpapatuloy ang pag-ulan ng blessings at swerte kay Kathryn hanggang 2025 dahil balitang sunud-sunod pa rin ang mga pasabog na projects ng ABS-CBN at Star Cinema para sa kanya.
Tungkol naman sa kanyang lovelife, wait and see na lang tayo kung kay Alden Richards niya ibibigay ang matamis niyang “oo” o kung bibigyan ba niya ng second chance ang ex-boyfriend niyang si Deej.
NERI MIRANDA
Naniniwala ang marami na wala naman talagang kasalanan ang wifey ni Chito Miranda sa kinasasangkutang investment scam kung saan involved ang isang beauty clinic na kanyang ineendorso.
Tulad nga ng sinabi ni Chito, mabuting tao ang kanyang asawa at hindi ito manglalamang at manloloko ng kapwa. Kaya hindi kataka-taka na marami ang nagdasal para pansamantalang makalaya sa kulungan ang aktres at negosyante.
Here’s also praying na tuluyan na ngang mapawalang-sala si Neri sa syndicated estafa at paglabag sa mga kautusan ng Securities and Exchange Commission.
RUFA MAE QUINTO
Go, go, go lang Rufa Mae! Knows namin na hindi madali ang harapin ang kambal na kamalasan na nangyari sa iyong personal life at career — ang mawasak ang pagsasama nila ng asawang si Trevor Magallanes at ang makasuhan dahil umano sa investment scam.
In fairness, sa kabila ng mga kinahaharap na pagsubok, nananatiling positive ang kanyang outlook sa life. Siya na ang nagsabi na hindi siya basta magpapatumba sa mga hamon ng buhay. Lavarn lang Rufa Mae. Go, go, go for gold!
KEN CHAN
Pinaniniwalaang nasa ibang bansa pa rin hanggang ngayon ang Kapuso actor na si Ken Chan sa gitna ng kinasasangkutang syndicated estafa case na isinampa ng mga investors sa nalugi niyang restaurant.
Dalawang beses na sinilbihan ng warrant of arrest ang aktor pero hindi siya natagpuan sa kanyang bahay sa Quezon City.
Sabi ni Ken, totoong nalugi ang kanyang resto business at naghahanda na ang kanyang legal team para sagutin at harapin ang kanyang mga kaso.
Dasal naming makauwi na si Ken sa Pilipinas para maharap na niya ang kanyang mga kaso at maipagtanggol ang sarili sa korte. Sayang naman kung tuluyang mawawasak ang showbiz career ng aktor nang dahil sa investment scam na ibinabato sa kanya.
Kung wala siyang kasalanan dapat malinis ang kanyang pangalan pero kung talagang may involved na panloloko, tama lang na siya’y maparusahan.
SANDRO MUHLACH
Sa pagpasok ng 2025, hiling namin na mabigyan na ng hustisya ang nangyaring panghahalay sa anak ni Niño Muhlach kung talagang pinagsamantalahan siya ng dalawang independent contractors ng GMA 7.
Marami na ang naghihintay sa magiging hatol ng korte sa mga kasong isinampa ng Sparkle artist laban kina Dode Cruz at Jojo Nones. Sana’y maparusahan ang may kasalanan kung totoong guilty at mapawalang-sala naman kung nagsasabi talaga ng katotohanan at pawang katotohanan lamang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.