EXCLUSIVE: Iba’t-ibang hairstyles, hair colors na nauuso at trendy sa 2025
KUNG naghahanap ka ng fresh hair inspo para sa 2025, ibabandera namin ang mga patok na hairstyle na tiyak magpapabago sa iyong look!
Nakipagchikahan kami kay Joana Chua-Cabuay, ang co-owner ng Day 1 Studio sa Pasig, para ibunyag ang mga sikat na haircuts, color trends, at tips para mapanatiling healthy ang buhok.
Handa ka na bang sumubok ng bagong style? Narito ang ilan sa mga napag-usapan namin ni Joana:
1. K-Beauty Hair is Here to Stay!
Para sa 2025, mukhang hindi pa rin mawawala ang Korean perms.
Ngunit ngayon, mas relaxed at mas natural na ang itsura ng mga perm curls – perfect para sa mga naghahanap ng effortless chic vibe!
Ayon kay Joana, hindi lang siya para sa mga babae: “Uso pa rin siya, but now, it’s more relaxed perm. Both for men and women, actually. Magugulat ka na uso siya.”
Maliban diyan, malupit na trending din daw this year ang “soft layers” at “butterfly cut” para sa mga kababaihan.
Ang “wolf cut” naman na mas softer na ngayon ay nagpapakita ng malupit na combo ng edgy at feminine na feel.
Samantalang sa mga kalalakihan, ang “16 guard” haircut ang isa sa mga bagong hits.
At syempre, hindi pwedeng mawala ang timeless “bob cuts”—mas modern at precise na ngayon, o kaya naman ang “long bobs” na perfect para sa mid-length look.
Tulad din ng mga nakaraang taon, uso pa rin ang pagkakaroon ng bangs.
Paliwanag ng salon co-owner, “Pero hindi ‘yung blunt cut, more of ‘yung soft-layered bangs lang din siya.”
2. Perfect Hair = Perfect Personality Match
Bago ka magpa-haircut, siguruhing tatanungin mo muna ang iyong stylist tungkol sa iyong personalidad at lifestyle.
Para kay Joana, ang tamang hairstyle ay hindi lang tungkol sa hitsura, kundi pati na rin kung paano mo kayang alagaan ito.
“Para masigurado namin na babagay, we do a thorough consultation,” sey niya.
Sinabi rin niya na hindi lang face shape ang tinitingnan, kundi pati na rin ang hair history at lifestyle ng kliyente.
Kung busy ka at walang oras mag-styling, mas mainam na maghanap ka ng look na “wash and wear.”
3. Hair Color Trends for 2025: Natural is the New Bold
Pagsapit ng 2025, ang hair colors na trending ay natural, subtle, at mas madaling i-maintain.
Ang mga chocolate mousse, espresso, at rich brunettes ay maganda para sa mga naghahanap ng low-maintenance na hair color.
Para sa mga mahilig sa bold reds, andiyan pa rin ang mga copper, ginger, burgundy, at red wine shades.
“Unlike from the past –based sa nakikita natin, puro full bleach, ganyan. Ngayon, ang nakikita namin [na] nire-request ng mga clients would be on the natural side,” dagdag ni Joana.
4. Tips Para sa Perfect Hairstyle
Nais mo bang magkaroon ng hairstyle na swak sa iyong face at lifestyle? Alamin ang mga tips mula sa hair expert:
Unang-una, dapat aware sa hugis ng mukha dahil iba’t-iba ang bagay sa bawat face shape.
Sumunod naman kung ikaw ay laging on-the-go upang masiguro na ang pipiliin mong hairstyle ay hindi magre-require ng sobra-sobrang oras sa styling.
Baka Bet Mo: Bakit nagpaikli uli ng hair si Michelle Dee ilang araw bago ang Miss Universe 2023 grand coronation sa El Salvador?
Ang panghuli, mahalaga na alamin ang texture ng buhok mo.
“It matters a lot…because may mga ibang circumstances na babagay siya kapag mas thicker ‘yung hair or mas babagay siya kung thinner ‘yung hair mo,” esplika ni Joana.
5. Sikreto sa Healthy Hair?
Ayon kay Joana, ang sikreto sa malusog na buhok ay consistent na hair treatments—hindi lang sa salon, kundi pati sa bahay.
“Mag-hair mask kayo,” bungad niya.
Paliwanag ng co-owner, “Para ma-nourish ang hair, lalo na sa environment natin na mabilis mag-strip ‘yung moisture ng hair natin.”
Isa pang tip: Huwag matulog nang basa ang buhok!
“It’s not because mabubulag kayo, pero kasi…kapag natulog kayo na basa ‘yung buhok, may chance na tubuan ng fungus or bacteria ‘yung hair mo. So ‘yun ‘yung sometimes na nagiging cause ng mga dandruff, ‘yung pangangati ng buhok, and at the same time, ‘yung strands mo pwedeng maputol,” aniya.
6. Mga Hairstyle na Dapat Iwasan sa 2025
Para kay Joana, ang dapat iwasan ay ‘yung hairstyle na hindi ka magiging masaya.
“But of course, apart from that, piliin mo rin ‘yung hairstyle na kaya mong ma-maintain. Again, if you want not so high-maintenance…you can ask the hairstylist,” sambit niya.
Oh ayan, mga ka-Bandera, bago magpagupit o sumubok ng bagong look, tandaan ang ilang tips ng hair expert.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.