Bata hinostage ng sariling ama sa Taytay, nailigtas ng mga awtoridad
NA-RESCUE ng mga awtoridad ang isang taong gulang na bata mula sa kamay ng kanyang amang nang-hostage.
Nangyari ito sa kahabaan ng C-6 Road, Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal, nitong Sabado ng gabi (January 25).
Ayon kay Taytay Mayor Allan De Leon, ang hostage-taker, isang 26-anyos na driver at construction worker, ay nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) matapos sumuko sa mga awtoridad makalipas ang mahigit isang oras na negosasyon.
“Under the leadership of our Provincial Director Philip Maragun, Taytay Police Chief Marlo Solero, and the task force multiplier, the hostage situation was successfully resolved, and the child was rescued safely,” sey ng alkalde sa isang Facebook post na iniulat ng INQUIRER.
Baka Bet Mo: 10-anyos na lalaki sinaksak ng 22 beses, himalang nabuhay
Dagdag pa ni De Leon, naging maayos ang paghawak ng PNP sa insidente.
“Nagkaroon ng hostage-taking pero well handled naman ng ating PNP. Thankful din tayo na kahit nagkaroon ng abala, walang nasaktan at nakuha yung bata nang safe,” aniya.
Ayon sa ulat, nagsimula ang hostage-taking bandang alas-7 ng gabi at nagdulot ito ng mabigat na daloy ng trapiko sa C-6 Road papuntang Taguig City.
Muling binuksan sa publiko ang naturang kalsada matapos maresolba ang sitwasyon.
Nasa ligtas na kalagayan na ang bata at nasa pangangalaga na ng kanyang pamilya.
Samantala, ang suspek ay nahaharap sa mga kasong serious illegal detention, alarms and scandal, at illegal possession of a deadly weapon.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang ugat ng insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.