Anak ni Manny Pacquiao na si Michael tatakbong konsehal sa GenSan
PINAGKAGULUHAN sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa General Santos City si Michael Pacquiao, ang anak ng boxing legend na si Manny Pacquiao.
Nag-file na kasi siya ng certificate of candidacy bilang kakandidato siya bilang city councelor sa nasabing lugar.
Ang balitang ito ay ibinandera sa Facebook ng malapit na kaibigan ng pamilyang Pacquiao at landscape artist na si Roy Bacalso.
Makikita sa post ni Roy ang isang video na bumaba sa kotse ang ina ni Michael na si Jinkee at agad siyang nagtungo sa anak upang yakapin.
Mapapanood din na sabay ang mag-ina na pumasok sa tila opisina ng Comelec.
Baka Bet Mo: Pura Luka Vega pinatawan ng ‘persona non grata’ sa GenSan dahil sa ‘Ama Namin’ drag performance
Ayon sa uploader, nagmula pa sa London si Jinkee pero dumiretso ito sa Comelec office ng probinsya upang magbigay ng suporta kay Michael.
“Straight from London to Gensan Madame Jinkee Pacquiao wholeheartedly supports his son Michael Pacquiao for his filing of candidacy as City Councilor of General Santos city. Good luck Kuya Michael!!!” caption sa video.
Kamakailan lang nang inilabas ng political party na People’s Champ Movement (PCM) ang kanilang final lineup para sa 2025 midterm elections at kasama nga sa listahan si Michael.
Ang second son ni Manny ay nagtapos ng high school sa Brent International School noong 2020 at mula niyan ay pinasok na niya ang music career.
Samantala, si Manny ay inaasahang magbabalik sa Senado sa May 2025 local and national midterm elections sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) party na pinamumunuan ni Pangulong Bongbong Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.