Senado hinimok na aprubahan na ang Medical Cannabis Bill

Senado hinimok na aprubahan na ang Medical Cannabis Bill

Antonio Iñares - September 22, 2024 - 02:26 PM

Senado hinimok na aprubahan na ang Medical Cannabis Bill

NANGINGINIG si Henry, hindi niya tunay na pangalan, habang sumusubo ng halo-halo. Ang 65-anyos na dating empleyado ng gobyerno ay matagal nang may sakit sa ugat na namana niya sa kanyang ina.

Nang tanungin ano ang ipinanggagamot niya rito, ang mabilis niyang sagot – “CBD oil.”

Ang CBD o cannabidiol ay hango mula sa cannabis sativa o halaman ng marijuana at pinatunayan na ng maraming pag-aaral na mabisa ito laban sa iba’t ibang sakit tulad ng epilepsy, arthritis, at cancer. Isang magpapatunay dito ay si Dr. Donnabel Cunanan, na mula sa Philippine Cannabis Compassion Society.

Kwento ni Dr. Cunanan sa isang panayam sa telebisyon noong 2019 na tanging ang CBD oil lamang ang nagpahinto ng mga kombulsyon ng siyam na taon nyang anak na babae
na may epilepsy simula pa ng pagkasanggol.

Baka Bet Mo: Rep. LRay Villafuerte palaban sa pagsulong ng medical cannabis

Si Juana, hindi rin tunay na pangalan, ay isa sa mga tumutulong sa kanyang mga mahal sa buhay gamit ang CBD oil. Noong 2020, nagsimula siyang gumawa ng CBD oil para sa pinsan niyang may tuberous sclerosis na araw-araw na
nagkukumbulsyon.

“Tatlong buwan na walang seizures,” ang masaya niyang pagbabahagi. Bagama’t pumanaw ang pinsan niya, masaya si Juana dahil kahit paano ay napagaan niya ang pagdurusa nito.

Hindi lang ang pinsan niya ang natulungan ni Juana. Ibinahagi niya rin ang CBD oil sa isang kaibigang may psoriasis.

“Simula nang gamitin niya ang CBD oil, nawala ang pangangati at pamamaga,” kwento ni Juana.

Aminado si Juana na bawal ang kanyang ginagawa, “Pero mas importante para sa akin na makatulong,” sabi niya. “CBD oil works wonders at dapat itong gawing legal para sa mga may sakit.”

Idinagdag pa niya, “Threat ito sa malalaking kumpanya ng gamot, pero hindi dapat iyon maging hadlang.”

Sino nga ba ang kalaban ng medical cannabis? Hindi na lihim na isa sa mga pinakamalaking humahadlang ay ang mga pharmaceutical companies o Big Pharma.

Bilyon-bilyong kita ang mawawala kung magiging legal na ang medical cannabis, dahil mas mura at natural itong alternatibo sa mga gamot na ibinebenta nila.

Pero ayon kay Dr. Cunanan, pitong anti-epilepsy drugs na ang sinubukan nila para sa kanyang anak, pero wala itong epekto—tanging CBD oil lamang ang
nakapagpatigil sa mga kombulsyon ng kanyang kaawa-awang anak.

Iyan din ang pinaniniwalaan ni Juana, na wala ring ibang gamot na nagpatigil sa seizures ng kanyang pinsan. At si Henry? “CBD oil lang ang nakapagpahinto ng panginginig ko,” sabi niya.

Seryosong usapin na ito sa buong mundo. Ayon sa World Health Organization (WHO), ang CBD ay walang potensyal para sa pag-abuso o dependensya. Hindi rin ito nagdudulot ng mga problema sa pampublikong kalusugan.

Kaya naman marami ang naniniwalang dapat itong gawing legal, tulad ni Rep. LRay Villafuerte ng Camarines Sur.

“Mabisa ang medical cannabis,” ani Villafuerte, na isa sa mga pangunahing may-akda ng House Bill 10439 o ang Medical Cannabis Act na kamakailan lamang ay inaprubahan ng Kamara.

Ipinaliwanag niya na ang CBD oil ay hindi nakaka-“high,” at iba sa THC na makikita sa marijuana.

Ginagamit lamang ang CBD oil para sa medikal na layunin at para sa mga kwalipikadong pasyente.

Ibinahagi ni Villafuerte na ang CND, o ang grupo sa UN na bumubuo ng mga patakaran sa droga, ay muling iklinasipika ang medical cannabis. Dati, kasama ito sa listahan ng mga mapanganib na droga tulad ng heroin at fentanyl, pero dahil sa rekomendasyon ng WHO, nakita nilang wala itong potensyal para sa pang-aabuso o dependensya ng tao.

“At dahil hindi ito nakaka-adik, napatunayan na ligtas gamitin ang CBD oil ng mga kwalipikadong pasyente bilang painkiller o pampakalma upang mapawi ang kanilang matinding mga kondisyon tulad ng migraines, epilepsy, auto-immune diseases, multiple sclerosis, at end-stage cancer,” sey ni Villafuerte.

Ngayon, hinihimok ni Villafuerte ang Senado na ipasa ang Senate Bill 2573 o ang Cannabis Medicalization Act of the Philippines na inakda ni Sen. Robinhood Padilla.

“Ang kailangan na lang natin ngayon ay ang aksyon ng ating mga senador sa kanilang katumbas na panukalang batas, sa pag-asang makabuo tayo ng isang enrolled bill na maisusumite at maisasabatas ni Pangulong Marcos sa ikatlo at huling sesyon ng ika-19 na Kongreso,” sabi ni Villafuerte.

“Pag ito’y naisabatas, maraming pasyente ang matutulungan. Umaasa ako na kikilos na ang mga senador para sa kapakanan ng mga may sakit,” dagdag ni Villafuerte.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Bagong pag-asa para sa mga tulad ni Henry. Nang tanungin kung ano ang masasabi niya tungkol sa HB 10439, sagot ni Henry habang umuubos ng halo-halo, “Kapag naipasa na iyan, sigurado makakakuha ulit ako ng CBD oil, at mawawala na ang panginginig ko.”

Sa ngayon, tanging mga senador na lang ang hinihintay upang maging legal na ang medical cannabis sa bansa.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending