Binaha ba ang kotse mo? Sundin ang 5 tips na ‘to!
TUWING sasapit ang rainy season, hindi na bago sa ating bansa, lalo na sa ilang lugar ang malubog sa tubig dahil sa hagupit ng bagyo o walang tigil na pag-uulan.
At ang madalas na hindi natin nasasalba ay ang ating mga kotse.
Ano-ano ba ang mga dapat gawin upang maiwasan ang lubos na pagkasira nito at para matiyak na ligtas pa rin itong gamitin?
Naglista ang BANDERA ng limang bagay na pwede ninyong gawin sakaling binaha ang inyong mga sasakyan.
Baka Bet Mo: Mga besh, knows n’yo na ba ang mga paglabag at multa sa batas trapiko ng LTO?
1.Huwag paandarin ang makina
Alam niyo bang delikado kung agad pagaganahin ang inyong kotse, lalo na kung mayroon pa itong tubig sa makina.
Maaari kasi itong magdulot ng matinding sira sa makina pati sa electrical systems.
Ang magandang gawin ay idiskonekta muna ang baterya upang maiwasan din ang posibleng electrical short circuit at sunog.
2.Suriin ang pinsala ng kotse
Kapag safe na sa baha, dapat alamin ang “water damage” sa inyong mga sasakyan.
Unahing suriin kung gaano kalalim ang nilubugan ng kotse sa pamamagitan ng pagtingin sa linya ng tubig na may bakas ng mga putik.
Kung ang baha ay umabot sa makina, transmission, o sa mga de-kuryenteng bahagi ay mas mainam na tumawag ng isang propesyonal para sa mas masusing inspeksyon.
3.Patuyuin agad ang interior ng kotse
Patuyuin agad ang inyong mga kotse, lalo na ang interior nito upang maiwasan ang “molds” o amag.
Makakatulong ang wet/dry vacuum dahil maaari nitong alisin ang pumasok na tubig sa loob ng sasakyan.
Buksan ang lahat ng pinto at bintana para makatulong sa bentilasyon at mapabilis ang proseso ng pagpapatuyo.
Kung ang mga upuan at carpet ay basang-basa, mas mabuting tanggalin na muna ito para mas mabilis na matuyo.
Mas mainam din kung papalitan ang ilang interior na nalubog sa tubig baha.
Baka Bet Mo: Mga besh, may magandang benepisyo rin pala ang pagiging ‘Marites’!
4.I-check ang mga likido
Kailangan ding isaalang-alang ang pag-check sa mga likido o vehicle fluids.
Posible kasi ang kontaminasyon ng tubig kung may milky o diluted oil, transmission fluid, and brake fluid.
Sakaling makita ang mga nabanggit, kailangan itong palitan agad.
Huwag paandarin ang kotse hangga’t hindi pa nasusuri ang mga nasabing likido at kung hindi pa ito napapalitan.
Kung may mga palatandaan ng kontaminasyon ng tubig, pinakamahusay na i-tow ang iyong sasakyan upang dalhin sa isang shop na maaaring mag-alis ng tubig sa makina.
5.Mag-file ng insurance claim
Tawagan ang inyong insurance company upang i-report ang nabahang sasakyan.
Tandaan na kailangan nniyong magbigay ng madetalyeng impormasyon kaugnay sa nangyaring pinsala ng kotse.
Madalas namang kasali sa insurance policies ang “flood damage” kaya dapat alam niyo ang coverage ng sa inyo upang makapag-file na ng claim.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.